Isang malungkot na araw para sa Southeast Asian Dota ang The International 10 Main Event Day 2 dahil nalaglag na ang Fnatic sa turneo matapos makalasap ng 0-2 sweep mula sa Team Spirit sa kanilang lower bracket round 2 match.

Ito na ang ikawalong pagkakataon na hindi nakamit ng maalamat na esports organization ang mailap na Aegis of Champions. Nagtapos sila kapitan Anucha “Jabz” Jirawong at Fnatic sa 9th-12th place at mag-uuwi ng US$800,400 o mahigit PHP40 milyon na premyo.

Dahil sa pagkalaglag ng Fnatic, ang T1 na lang ang natitirang pag-asa ng SEA sa pinakamalaking Dota 2 tournament ng taon.


Ang hinaing ni Jabz matapos malaglag ang Fnatic sa TI10

Ang hinaing ni Jabz matapos malaglag ang Fnatic sa TI10
Credit: Fnatic

“Just that, we could’ve played more Dota. We know in ourselves that we could’ve done so much better. It just happened.”

Iyan ang nasabi ni Jabz matapos malaglag ng Fnatic sa TI10 nang kapanayamin siya ni host Alvaro “Avo+” Sanchez Velasco pagkatapos ng kanilang pagkatalo sa Team Spirit.

Dagdag pa ng 22-year-old Thai support, tingin niya ay mas maganda pa sana ang pinakita nila sa group stage nang sa gayon ay hindi sana sila nagsimula sa lower bracket.

Pero wika nga ng karamihan at maging ni Jabz, nangyari na ang nangyari. Sa kabila nito, ipinagmamalaki ng Fnatic captain ang pinakita ng kanyang koponan sa engrandeng entablado ng TI10.

“But I feel proud of my team. They tried as much as they can. They did everything that they could.”

Nagpasalamat din si Jabz sa lahat ng fans na sumuporta sa kampanya ng Fnatic sa TI10.

“Thank you for cheering and rooting for us.”


Fnatic winalis ng Team Spirit sa lower bracket round 2

Credit: Fnatic

Galing sa kanilang impressive TI Main Event debut kontra sa Invictus Gaming, mabilis na tinapos ng nagbabagang Team Spirit ang Game 1 kontra sa Fnatic.

Hindi huminto sa pag-arangkada ang pambato ng CIS sa pamamagitan ng mga initiation ni Magomed “Collapse” Khalilov sa Mars at Luna-Io duo sa kamay nila Illya “Yatoro” Mulyarchuk at Miroslaw “Mira” Kolpakov.

Tinawag ng Fnatic ang GG sa 25-minute mark pa lamang na may 18-6 scoreline at 16K gold advantage sa pabor ng Spirit.

Tila replay lang ang nangyari sa Game 2 dahil nagpatuloy ang walang humpay na pagratsada ng Team Spirit sa pangunguna nila Alexander “TORONTOTOKYO” Khertek sa Kunkka at Yatoro sa Sven.

Sumubok pa ang Fnatic ng mabaligtad ang laro gamit ang isang smoke of deceit play sa bandang 34 minuto pero sinira ni TORONTOTOKYO ang kanilang plano. Sa sumunod na team fight, isa-isang binura ni Yatoro ang mga kalaban para maglista ng ultra kill.

Ilang saglit lang ay tuluyang sinara ng rising CIS team ang 2-0 sweep nang may 32-7 kill score sa loob ng 37 minuto sa Game 2.


Umabante ang Team Spirit sa lower bracket at sinelyo ang 7th-8th finish na may kaakibat na US$1,000,500 o mahigit P50 milyon na premyo. Sunod nilang makakasagupa ang two-time defending champion OG na winalis naman ang North American side na Quincy Crew.

Credit: ONE Esports

Ang natitirang pambato naman ng SEA na T1 ay susubukang manatili sa TI10 kontra sa Alliance mamaya, sa ganap na ikatlo ng hapon.

Mapapanood ang opisyal na Filipino broadcast ng The International 10, hatid ng LuponWXC, sa Twitch, YouTube at Facebook channels.

Maaari rin subaybayan ang mga pangyayari sa TI10 sa pamamagitan ng pag-follow sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.

Gutom ka pa ba sa Dota 2 action? Panoorin ang Heroes of the Game documentary hatid ng foodpanda.

BASAHIN: Payo ni Dj sa paggamit ng Clockwerk: ‘Just hit the Hookshot’