Nakaligtas ang Invictus Gaming mula sa isang malaking upset kontra sa Team Spirit sa panimulang serye ng The International 10 Main Event at siniguro ang Top 6 finish sa pinakamalaking Dota 2 tournament ng taon.

Ginulat ng underdog na Spirit ang top seed at heavily-favored na IG sa Game 1 ng kanilang upper bracket match sa likod ng Morphling ng pinakabatang player sa torneo na si Illya “Yatoro” Mulyarchuk, na tinala ang ikalimang rampage sa main event sa buong kasaysayan ng TI.

Pero pinakita ng IG kung bakit sila ang tinanghal na kampeon ng ONE Esports Singapore Major sa pangunguna ng Ember Spirit at Storm Spirit ng eksplosibong midlaner na si Zhou “Emo” Yi sa huling dalawang laro.


Yatoro tumikada ng rampage opening game ng TI10 Main Event

Yatoro image credit: Team Spirit

Pasabog agad ang panimulang laro sa main event matapos maglista ng malupit na comeback ang Team Spirit salamat sa Morphling ni Yatoro.

Lamang ang IG sa halos kabuuan ng Game 1 gamit ang kanilang fast-paced, low-cooldown ultimate draft pero nagsimula ang turnaround para sa Spirit nang mapitas nila si Emo sa Leshrac at pumuksa pa ng dalawang hero sa isang high ground defense sa top lane.

Sa sumunod na clash sa Dire jungle, nakakuha ng rampage si Yatoro gamit ang kanyang masakit na right-click attacks gawa ng double damage rune at Alacrity buff mula sa Invoker ni Alexander “TORONTOTOKYO” Khertek. Nahuli rin ni Magomed “Collapse” Khalilov sa Mars ang carry Monkey King ng IG gamit ang Arena of Blood sa punoan.

Nakakaloka ang sumunod na eksena dahil buong tapang na nirekta ng CIS squad ang Dire ancient para makumpleto ang upset at maglista ng panalo sa kanilang TI main stage debut.


Spirit brothers ni Emo sumiklab sa huling dalawang laro

Credit: DreamLeague

Hindi pinayagan ni Emo na ma-sweep ang Chinese powerhouse at nagpakitang-gilas sa kanyang Ember Spirit sa Game 2.

Nagtala si Emo ng 12 kills at 13 assists kontra sa isang death lamang, at sinelyo ang panalo sa pamamagitan ng triple kill sa huling team fight.

Pagdating ng Game 3, maganda ang naging simula ng Spirit salamat sa kanilang classic Juggernaut-Crystal Maiden combo at draft na nakasentro sa early game.

Ngunit pinakita ng IG ang kanilang veteran composure at nanaig sa mga malalaking team fight kung saan hinahanap ni Emo sa kanyang Storm Spirit ang mga tamang target.

‘Di na napigilan pa ng TI debutants ang pagratsada ni Emo at ng mga beteranong pambato ng China gawa na rin ng mga Scythe of Vyse plays ni Thiay “JT-” Jun Wen sa kanyang Mars.

Tuluyang sinara ng IG ang dominanteng 55-16 panalo sa loob ng 40 minuto kung saan bumida si Emo na naglista ng 19-1-18 kill-death-assist record.


Sigurado na ang Top 6 finish para sa IG

Salamat sa Spirit brothers ni Emo, pasok na sa Top 6 ang Invictus Gaming at selyado na rin ang hindi bababa sa $1,400,600 o mahigit sa P72 milyon na premyo. Sunod nilang makakalaban sa upper bracket semifinal ang mananalo sa bakbakang OG at Team Secret.

Mapapanood ang mga laban sa opisyal na Filipino broadcast ng TI10 hatid ng LuponWXC sa kanilang Twitch, YouTube at Facebook platforms. Sundan ang mga kaganapan sa torneo sa pamamagitan ng pag-follow sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.


Gusto mo pa ba makakita ng mga aksyon mula sa Invictus Gaming? Panoorin ang koponan sa Heroes of the Game documentary presented by foodpanda.