Mabilis na pinatumba ng Fnatic ang Team Undying sa kanilang win-or-go home lower bracket game sa The International 10, salamat sa mabangis na galawan ni Pinoy support Djardel “Dj” Mampusti sa kanyang Clockwerk.

Napanatiling buhay ng koponan mula sa Southeast Asia ang kanilang pag-asa na makuha ang Aegis of Champions at umabante sa best-of-three lower bracket round 2 kontra sa Team Spirit.


Ang simpleng payo ni Dj sa paggamit ng Clockwerk

Payo ni Dj sa paggamit ng Clockwerk
Credit: DreamHack

Simple lang ang naging sagot ni Dj nang tanungin siya ni TI10 host Jake “SirActionSlacks” Kanner sa post-game interview kung ano ang maipapayo niya sa Clockwerk users, lalo na sa mga nilalaro ito sa position-4 role.

“Just hit the Hookshot, man (Basta patamain mo lang ‘yung Hookshot),” natatawang sabi ng 26-year-old pro player.

Ito’y matapos magpakita ni Dj ng mga pulidong Hookshot ultimate ni Rattletrap. Masasabi ring master class ang ginawa ni Dj sa paggamit ng Clockwerk sa position-5 or hard support role pa nga laban sa Undying.


Malupit na Clockwerk performance ni Dj kontra sa Undying

Credit: 7Wallpapers.net

Agad na umarangkada ang Fnatic sa pamamagitan ng kabi-kabilang pickoff na nakukuha nila mula sa Hookshot initiations maging Power Cogs setups ni Dj sa tulong ng neutral item na Tumbler’s Toy.

Dahil dito, mabilis na nagkaroon ng malaking space si Pinoy carry Polo “Raven” Fausto sa kanyang Luna para ma-farm kaagad ang kanyang Black King Bar at maagang makasama sa mga team fight.

Pinarusahan din ng Fnatic ang mga palyadong galawan ng Undying, na tila wala sa sync at magulo ang in-game communication.

Tuluyang binura ng Fnatic ang asam ng Undying na ipagpatuloy ang kanilang kampanya sa TI10 matapos makakuha si Raven ng triple kill sa isang palyadong smoke gank attempt ng koponan mula sa North America.

Nilista ni Dj sa paggamit ng Clockwerk ang pinakamataas na bilang ng assist sa laro na 21 at kumuha pa nga ng 4 kills kontra sa 5 deaths para pangunahan ang one-sided 28-10 win ng SEA team sa loob lamang ng 28 minuto.

Nagtala naman si Raven ng perpektong 13-0-8 record sa tulong na rin ng malulupit na Hookshot initiations ni Dj.

Credit: Valve

Nasiguro nila Dj at Fnatic ang at least 9th-12th finish sa TI10 habang ang Team Undying naman ay nagtapos sa 13th-16th at mag-uuwi ng US$600,300 (mahigit PHP30 milyon).

Sunod na makakalaban ng Fnatic ang Team Spirit sa lower bracket round 2 mamaya sa ganap na ika-8 ng gabi. Samantala, ang isa pang kinatawan ng SEA na T1 ay sisimulan ang kanilang kampanya sa TI10 Main Event laban sa pambato ng China na PSG.LGD sa ganap na ika-2 ng hapon.

Maaari niyong mapanood ang mga laban sa opisyal na Filipino broadcast ng TI10 hatid ng LuponWXC sa kanilang Twitch, YouTube at Facebook channels. Sundan ang mga kaganapan sa torneo sa pamamagitan ng pag-follow sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.


SEA mag-ingay! Panoorin kung paano nakapasok sa TI10 ang Fnatic sa pamamagitan ng Heroes of the Game documentary presented by foodpanda.