Pasok ang T1 sa upper bracket playoffs ng The International 10 matapos nilang durugin ang Thunder Predator, 2-0, sa kanilang pangtapos na serye sa group stage.

Sinelyo ng 1-1 tabla sa pagitan ng North American teams na Evil Geniuses at Team Undying ang upper bracket spot ng kasalukuyang hari ng Southeast Asia, na nagtapos sa ikaapat na pwesto sa Group A.


Lina ni Karl nag-apoy sa Game 1

Lina ni Karl
Credit: T1, WallpaperAccess.com

Tangan ang momentum mula sa kanilang nagbabagang 6-0 run sa Group Stage Day 3, dinarag ng T1 ang Thunder Predator sa kanilang unang tapatan.

Pinangunahan ng nagliliyab na Lina ni Pinoy midlaner Karl Matthew “Karl” Baldovino ang dominanteng 34-7 panalo ng kinatawan ng SEA sa loob lamang ng 28 minuto matapos siyang magtala ng perpektong 12-0-9 kill-death-assist record.

Nagninging din ang Necrophos ni kapitan Carlo “Kuku” Palad na kumamada ng 11 kills kasama ang 10 assists at hindi rin namatay sa laro.


Pasok ang T1 sa upper bracket matapos ipanalo ang Game 2 gamit ang Lycan-Tiny combo

T1 siniguro ang upper bracket spot gamit ang Lycan-Tiny combo
Credit: WallpaperFlare

Kaiba sa unang laban, mahigpit ang naging bakbakan sa Game 2 kung saan sinandalan ng T1 ang nakakakilabot na Lycan-Tiny combo.

Lamang ang koponan mula sa South America sa early game pero dahil sa Indonesian support duo na sila Kenny “Xepher” Deo (Shadow Shaman) at Matthew “Whitemon” Filemon (Undying), nagkaroon ng sapat na oras sila Karl (Tiny) at Kuku (Lycan) na ma-farm ang kanilang core items.

Nang makuha na ni Kuku ang kanyang Aghanim’s Scepter para makuha ang Wolf Bite ability na gagamitin kay Karl, dito na nagsimulang maghasik ng lagim ang dalawang Pinoy at sinindihan ang comeback ng T1.

Bagamat naagaw ng Thunder Predator ang isang Roshan kill at Aegis of Immortal, agad na bumawi ang T1 sa sumunod na clash kung saan tumikada ng triple kill si Karl.

Sa tulong na rin ni Thai carry Nuengnara “23savage” Teeramahanon sa Morphling, mabilis na binasag ng T1 ang mid barracks ng TP at ilang sandali lang ay tinuldukan na rin ang serye matapos ang isa pang team fight victory.


Hindi pa alam sa ngayon kung sino ang makakalaban ng T1 sa upper bracket ng TI10 playoffs. Gaganapin ang playoffs mula ika-12 hanggang ika-17 ng Oktubre. Pasok din sa playoffs ang isa pang SEA team na Fnatic kung saan naglalaro ang mga Pinoy na sila Polo “Raven” Fausto at Djardel “Dj” Mampusti.

Mapapanood ang mga laban sa opisyal na Filipino broadcast ng TI10 hatid ng LuponWXC sa kanilang TwitchYouTube at Facebook page.


SEA mag-ingay! Panoorin ang paglalakbay ng mga manlalaro mula sa rehiyon patungo sa pinakamalaking turneo ng taon dito sa Heroes of the Game documentary presented by foodpanda.