Nagpasiklab ang Riki ni Pinoy carry Polo “Raven” Fausto para matuldukan ng Fnatic ang 2-0 sweep laban sa Team Secret at masiguro ang playoff spot nila sa The International 10.

Ito ang kaisa-isang series win na naitala ng koponan mula sa Southeast Asia sa Group B ng TI10. Bagamat wala na silang pag-asang makasungkit ng upper bracket spot, sapat na ang panalong ito para maiwasan ng Fnatic ang maagang pagkalaglag sa pinakamalaking Dota 2 tournament ng taon.

At dahil dito, parehong masasaksihan ang dalawang kinatawan ng SEA na Fnatic at T1 sa TI10 playoffs.


Fnatic maagang nag-init sa serye

Credit: Fnatic

Dahil mahigpit ang pangangailangan nila na makakuha ng panalo, agad na rumatsada ang Fnatic sa Game 1 salamat sa mabilis na pagresponde at panggugulo ng Nature’s Prophet ni Anucha “Jabz” Jirawong kontra sa Team Secret.

Lalong lumaki ang kalamangan ng boys in orange nang manakaw ni Ng “ChYuan” Kee Chyuan sa Storm Spirit ang unang Roshan kill kasama pa ang Aegis of Immortal.

Sinubukan ng Secret makagawa ng mega creeps comeback pero hindi ito pinayagan ng Fnatic at tinapos ang laro sa pamamagitan ng isang matinik na smoke play para mapitas ang walang buyback na Sven ni Lasse “MATUMBAMAN” Urpalainen.


Riki ni Raven bumida sa Game 2

Credit: Fnatic

Lumabas sa kauna-unahang pagkakataon si Riki sa TI10 matapos piliin ito ni Raven sa Game 2 at talaga namang hindi niya dinismaya ang mga panatiko ng mailap na hero.

Sa tulong ng mga setup mula sa kanyang mga kakampi, isa-isang kinitil ng Riki ni Raven ang mga kalaban kaya naman mabilis siyang nakapagpundar ng malaking gold at nakabili ng Diffusal Blade at Manta Style.

Hindi na binitawan pa ng Fnatic ang kanilang bentahe tungo sa pagsara ng serye sa pamamagitan ng magandang Ravage initiation mula sa Tidehunter ni Yang “Deth” Wu Heng.

Tumikada ang Riki ni Raven ng 11 kills at 11 assists kontra sa isang death lamang at nagpakawala rin ng 18.8k hero damage sa 32-7 win sa loob ng 35 minuto.

Sa kabuuan ng serye, naglista ang “One True Carry ng SEA” ng nakakamanghang 45.0 KDA matapos magtala ng perpektong 8-0-15 record sa kanyang Terrorblade sa Game 1.


Hihintayin na lamang ng Fnatic na matapos ang group stage para makita ang kanilang huling posisyon at makakatapat sa do-or-die Lower Bracket Round 1. Tatakbo ang TI10 Playoffs mula ika-12 hanggang ika-17 ng Oktubre.

Panoorin ang mga bakbakan sa opisyal na Filipino broadcast ng TI10 hatid ng LuponWXC sa kanilang Twitch, YouTube at Facebook platforms.


SEA mag-ingay! Panoorin ang paglalakbay ng mga manlalaro mula sa rehiyon patungo sa pinakamalaking torneo ng taon dito sa Heroes of the Game documentary presented by foodpanda.