HIndi nagbago ang resulta sa bakbakang PSG.LGD kontra T1 matapos manaig ang Chinese powerhouse sa kanilang pagkikita sa upper bracket ng The International 10 Main Event.

Ito na ang ikalimang talo ng koponang pinangungunahan ni Carlo “Kuku” Palad sa nasabing koponan. Gayunpaman, nagsilbing patunay pa rin ang ma-aksyong serye sa kanilang kakayahan bilang TI10 contender.

Clutch Sunder play ni Ame, sinelyo ang unang mapa para sa PSG.LGD

Credit: Valve

Classic PSG.LGD playstyle ang bumungad sa T1 sa unang mapa ng kanilang serye. Walang masyadong pasabog inilabas at sumandal lang ang parehong koponan sa mga stratehiyang napagana na nila noon pa.

Dahil sa ganitong paraan nagbakbakan ang dalawang koponan, madaling nanaig ang top seed ng Group B noong TI10 Group Stage. Malinis ang pinakita nilang team fight execution, bagamat may mga pagkakataong nakakapalag ang T1.

Pagtungtong ng laro sa 33 minuto, nagkaroon ng pagkakataon ang PSG.LGD na tuluyan nang tapusin ang laban. Sinubukan kasing i-punish ng T1 ang pag-aasim ni Cheng “NothingToSay” Jin Xiang, pero may balak pala ang Terrorblade ni Wang “Ame” Chunyu.

Tumikada ng 12 kills at anim na assists nang hindi namamatay ang batikan carry para ibigay sa kanyang koponan ang maagang kalamangan.

Clutch plays ni Kuku tampok sa ikalawang mapa kontra PSG.LGD

Dumugo man, PSG.LGD wagi pa rin kontra T1
Credit: Valve

Gaya ng mga nauna nilang paghaharap, hindi naman basta pumayag ang T1 na gawin lang silang punching bag ng PSG.LGD.

Matikas ang naging tindig ng Medusa ni Nuengnara “23savage” Teeramahanon para sabayan ang Terrorblade ni ame. Bagamat malaki ang naging kalamangan ng T1 pagdating sa pera, napatunayan ng isang mahabang team fight na maaari itong maglaho sa isang pagkakamali nila.

Pagkatapos mag-ubusan ng buyback, bandang 47 minuto ng laban, natuon naman ang atensyon ng parehong koponan kay Roshan. Katulad ng naunang team fight, maaaring ang buong laro ang nakataya sa kung sino man ang mangingibabaw.

Madaling nakapasok sa highground ng PSG.LGD ang T1 salamat sa Aegis of Immortal na naagaw ng Medusa ni 23savage. Dito na rin tinapos ni Kuku ang bakbakan salamat sa clutch Reverse Polarity na humuli sa walang buyback na si ame.

Last pick Venomancer, ‘di sapat para mapigilan ang PSG.LGD kontra T1

PSG.LGD wagi sa OGA Dota PIT
Credit: WePlay! Esports

Ang lumaking tsansa ng kinatawan ng SEA na makabanse na sa wakas kontra TI8 second-placer ay mabilis naglaho pagdating sa ikatlo at huling mapa ng best-of-three.

‘Di kasi napigilan ng pambato ng T1 ang pagwawala ng Ember Spirit ni NothingToSay bago makabwelo sa items ang Spectre ni 23savage. ‘Di rin nakaporma ang Venomancer ng Filipino captain na pinili para sana pahirapan ang Ursa ni ame.

Wala masyadong naganap na bakbakan dahil madalas tagumpay ang PSG.LGD sa kanilang pagpitas sa mga underfarmed na heroes ng kanilang kalaban. Naging hudyat ng katapusan ng T1 ang pagpasok na ito sa kanilang high ground.

Winakasan ng T1 ang kanilang paghihirap nang mag-gg na ito bandang 37 minuto. Nagtala ng 11 kills at 15 assists nang hindi namamatay ang Ember Spirit ng Radiant. Nag-ambag naman ng 25 assists at 87% kill participation ang Io ni XinQ.


Dahil sa panalo ng PSG.LGD kontra T1, selyado na nila ang 5th-6th place finish at USD$1,400,600, o mahigit 70 million na premyo.

Samantala, itutuloy naman ng T1 ang kanilang kampanya sa lower bracket kontra Alliance. Gaganapin ang laglagang ito bukas, ika-14 ng Oktubre, sa ganap na ikatlo ng hapon.

Mapapanood ang opisyal na Filipino broadcast ng The International 10, hatid ng LuponWXC, sa kanilang TwitchYouTube at Facebook platforms. 

Masusubaybayan din ang mga pangyayari sa TI10 sa pamamagitan ng pag-follow sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.

Gutom ka pa ba sa Dota 2 action? Panoorin ang Heroes of the Game documentary hatid ng foodpanda.