Sa ikalimang pagkakataon ngayong taon, magku-krus ang landas ng T1 at PSG.LGD sa kanilang upper bracket match sa Main Event ng The International 10 sa Miyerkules.

Pinili ng Chinese powerhouse at tournament favorite ang kinatawan ng Southeast Asia bilang kanilang kalaban sa unang round ng playoffs matapos nilang sunggaban ang top seed sa Group B.

Ni isang beses ay hindi nanalo ang T1 kontra sa LGD sa nakaraang apat serye na nagtapat. Pero sa ipinakitang performance ng SEA team sa group stage ng TI10, mukhang mas maganda ang tsansa nila ngayon na makaisa sa Chinese squad.


Ang mga nakaraang laban ng T1 vs PSG.LGD

EVENTRESULTA
ONE Esports Singapore MajorPSG.LGD 2 – 0 T1
WePlay AniMajorPSG.LGD 2 – 1 T1
ESL One Fall 2021PSG.LGD 2 – 1 T1
OGA Dota PIT InvitationalPSG.LGD 2 – 1 T1

ONE Esports Singapore Major

Unang naglaban ang T1 at PSG.LGD sa wildcard stage ng ONE Esports Singapore Major kung saan hindi nakalaro si Pinoy captain-offlaner Carlo “Kuku” Palad dahil sa “health problem” at nag-stand-in para sa kanya si Lee “Forev” Sang-don.

Nakalasap ng 2-0 sweep ang T1 sa LGD at maagang nalaglag sa unang Major ng taon kasama ang Nigma at AS Monaco Gambit. Ang LGD naman ay nagtuloy-tuloy ang mainit na run hanggang sa third place.

WePlay AniMajor

Sa WePlay AniMajor kung saan naglaro na si Kuku, seeded na kaagad ang T1 sa playoffs matapos pagharian ang DPC Season 2 Southeast Asia Upper Division habang ang PSG.LGD naman ay nakipagbuno pa sa group stage para makapasok sa knockout round.

Nagtagpo ang dalawa sa upper bracket final, ang unang pagkakataon na nagharap sila sa isang playoff series. Matapos mabugbog sa Game 1, nakatabla ang T1 salamat sa malupit na performance ni Karl “Karl” Baldovino sa kanyang Puck. Pero muling nagdomina ang LGD sa Game 3 sa likod ng Nyx Assassin ni Zhao “XinQ” Zixing.

Nagtapos sa third place ang T1 matapos matalo sa Evil Geniuses na winalis naman ng LGD para tanghaling kampeon ng pangawalang Dota 2 Major ng taon.

ESL One Fall 2021

Sa lower bracket semifinal ng ESL One Fall 2021 naganap ang ikatlong paghaharap ng T1 at PSG.LGD, na hindi kasama ang kanilang Malaysian midlaner na si Cheng “NothingToSay” Jin Xiang at nag-stand-in ang kanilang 32-year-old coach at T14 winner na si Zhang “xiao8” Ning.

Bagamat mas maganda ang pinakitang laban ng T1, nagawang maka-comeback ng LGD sa Game 3 dahil sa mala-halimaw na performance ni Wang “Ame” Chunyu sa kanyang Anti-Mage.

Nagpatuloy ang Chinese powerhouse hanggang sa grand finals pero nabigo silang talunin ang Tundra Esports.

OGA Dota PIT Invitational

Muling nagkita ang T1 at PSG.LGD sa upper bracket round 2 ng OGA Dota PIT Invitational kung saan stand-in pa rin si xiao8 para kay NothingToSay.

Kaiba sa mga nakaraang laban, nakuha ng T1 ang Game 1 pero sa huli ay nagwagi pa rin ang LGD. Nakaabot ang Chinese squad sa grand final at pinatumba ang Team Spirit, 3-1, para maselyo ang kampeonato.


Group stage performance ng T1 at PSG.LGD

Bagamat malinaw na dehado ang T1 kontra sa PSG.LGD kung titignan ang kanilang mga nakaraang bakbakan, maaaring magbago ang ihip ng hangin dahil maganda rin ang pinakitang galawan ng koponan mula sa SEA sa group stage ng TI10.

Sa kabila ng 0-4 na panimula sa torneo, nagawang pagpagin ng T1 ang kanilang first-time TI jitters (maliban sa beteranong si Kuku) para makapagtala ng apat na magkakasunod na 2-0 victories.

Nakuha nila ang upper bracket spot sa tulong na rin ng Team Undying na nagpwersa ng 1-1 draw laban sa Evil Geniuses. Sa kabuuan, naglista ang T1 ng 10-6 game win-loss record.

Hindi rin nagkakalayo ang kanilang average team stats ayon sa Dotabuff.

Gayunpaman, hindi maikakaila na talagang liyamado ang pambato ng China matapos ang kanilang dominanteng kampanya sa group stage kung saan dalawang beses nilang binasag ang fastest game record ng torneo.


Makakaisa na kaya ang T1 laban sa PSG.LGD? Alamin ‘yan sa opisyal na Filipino broadcast ng The International 10 hatid ng LuponWXC sa kanilang Twitch, YouTube at Facebook platforms. Subaybayan ang mga kaganapan sa TI10 sa pamamagitan ng pag-follow sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.


Habang naghihintay ka sa Main Event, panoorin mo muna kung paano nakapasok ang ilan sa mga teams sa TI10 dito sa Heroes of the Game documentary presented by foodpanda.