Inilahad na ang bagong Dota 2 roster ng TNC Predator na sasabak sa Dota Pro Circuit (DPC) 2021/22 season.

Pinakita ng tanyag na Filipino esports organization ang kanilang lineup sa pamamagitan ng isang video sa kanilang social media channels.

“Rebuilding the team will never be easy, and despite this being our biggest hurdle yet, the Phoenix will work its way to rise again and compete in the highest level,” wika ni Eric Redulfin, CEO ng TNC Predator.


Febby pangungunahan ang bagong Dota 2 roster ng TNC Predator

Febby pangungunahan ang bagong Dota 2 roster ng TNC Predator
Credit: TNC Predator

Nagbabalik ang beteranong South Korean hard support na si Kim “Febby” Yong-Min para pangunahan ang bagong Dota 2 roster ng TNC Predator.

Matatandaang kinuha ng TNC si Febby bilang coach noong nakaraang taon bago siya ilagay sa main lineup bilang captain noong Enero. Nawala siya sa koponan kasabay ni Damien “kpii” Chok matapos pumalyang makapasok sa ONE Esports Singapore Major at nagdesisyon ang organisasyon na bumuo ng all-Filipino lineup.

Bago bumalik sa TNC, nagsilbing coach si Febby ng North American squad na Team Undying sa The International 10 na nagtapos sa 9th-12th place.

Bibida rin para sa TNC sa darating na DPC season ang rising midlaner na si Yuri Dave “Yowe” Pacaña na huling naglaro para sa Execration, at si position-4 support Prieme Ejay “PlayHard” Banquil na nakilala sa OB Esports x Neon.

Bagong Dota 2 roster ng TNC Predator

1 – Levi “YoungGod” Lagaret

2 – Yuri Dave “Yowe” Pacaña

3 – Lee “Xiaoyu” Qian Yu

4 – Prieme Ejay “PlayHard” Banquil

5 – Kim “Febby” Yong-Min

Bumuo ang TNC ng bagong Dota 2 team matapos kapusing makapasok sa TI10. Nagpasya ang organisasyon na pakawalan ang lahat ng players nito kabilang na ang kanilang longtime standouts na sila Timothy “Tims” Randrup, Armel “Armel” Tabios at Kim “Gabbi” Villafuerte.

Lumipat si Tims sa Indonesian team na BOOM Esports habang si Gabbi naman ay napunta sa bagong Dota 2 squad na Talon Esports. Samantala, wala pang anunsyo kung saang team maglalaro si Armel pero may bali-balita na sa Fnatic siya mapapadpad.

Pumunta naman sa Polaris Esports si Marvin “Boomy” Rushton habang si Jun “Bok” Kanehara ay wala pang koponan sa ngayon.


Bagong Dota 2 roster ng TNC sasabak sa SEA Upper Division

Credit: KuyaNic Facebook page

Sasalang ang bagong Dota 2 roster ng TNC Predator sa DPC 2021/22 Tour 1 Southeast Asia Upper Division kung saan makakasagupa nila ang The International 10 Top 8 finisher na T1 at Top 12 placer na Fnatic.

Makakabanggan din nila ang OB Esports x Neon, Execration, Smart Omega at ang top two teams mula sa Lower Division noong nakaraang season na Motivate.Trust Gaming at Team SMG.

Gaganapin ang DPC SEA Tour 1 mula ika-1 ng Disyembre, 2021 hanggang ika-22 ng Enero, 2022. Nakataya rito ang 690 DPC points at US$205,000 (higit PHP10 milyon) na prize pool.

Ihahatid ng LuponWXC ang opisyal na Filipino broadcast ng DPC SEA Tour 1 sa Facebook, YouTube at Twitch channel nito.