Nanaig ang Fnatic kontra T1 at Team SMG sa isang mainit na serye ng tiebreakers upang makuha ang second place finish sa Dota Pro Circuit (DPC) 2021-2022 Winter Tour Southeast Asia Division 1 nitong Sabado ng gabi.

Nasungkit ng Fnatic ang 180 DPC points at US$28,000 (mahigit PHP 1.4 milyon) na premyo matapos ang kanilang solidong kampanya sa DPC SEA Tour 1 Division 1 na bagamat malamig ang panimula ay nagtapos naman sa naglalagablab na four-series win streak.

Ginanap ang tiebreaker para sa ikalawa hanggang sa ikaapat na pwesto dahil pare-parehong nakakolekta ng 5-2 kartada ang Fnatic, T1 at SMG sa pagtatapos ng anim na linggong sagupaan sa liga.


Tagumpay ang Fnatic sa DPC SEA Division 1 tiebreaker

Fnatic
Credit: Fnatic

Binawian ng Fnatic ang Team SMG na winalis sila noong unang linggo ng Winter Tour sa pamamagitan ng isang malupit na 51-minute comeback win.

Susi ang kakaibang offlane Grimstroke ni captain Anucha “Jabz” Jirawong na tinunaw ang mga miyembro ng SMG gamit ang Aghanim’s Scepter ability na Dark Portrait na madalas niyang tina-target sa Terrorblade ni Yeik “MidOne” Nai Zheng.

Sunod na hinarap nila Jabz at kanyang mga kakamping Pinoy ang T1 na pinadapa nila noong Miyerkules para ipwersa ang three-way tie sa 2nd-4th place.

Bagamat dikit ang laban pagdating sa kill score, tila napabayaan ng T1 ang malahalimaw na Luna ni Pinoy carry Polo “Raven” Fausto na tumikada ng 10 kills at pitong assists kontra sa isang death lamang para pangunahan ang 33-minute victory.

Sa huling tiebreaker match, dinomina nila Carlo “Kuku” Palad at T1 ang Team SMG sa loob ng 34 minuto para masiguro ang third place na may gantimpalang 120 DPC points at US$27,000.

Nagtapos naman ang SMG sa ikaapat na pwesto at nakuha ang 60 DPC points maging ang US$26,000 na premyo.

Maghaharap ang DPC SEA Winter Tour champion na BOOM Esports, Fnatic, T1 at Team SMG sa Regional Finals na may US$100,000 prize pool at gaganapin sa ika-11 hanggang ika-13 ng Pebrero.


Ang final standings sa DPC SEA Winter Tour Division 1

Credit: Beyond The Summit
PWESTOKOPONANRESULTADPC POINTSPRIZE MONEY
1stBOOM EsportsMananatili sa Division 1 sa susunod na Tour at pasok sa Regional Finals300US$30,000
2ndFnaticMananatili sa Division 1 sa susunod na Tour at pasok sa Regional Finals180US$28,000
3rdT1Mananatili sa Division 1 sa susunod na Tour at pasok sa Regional Finals120US$27,000
4thTeam SMGMananatili sa Division 1 sa susunod na Tour at pasok sa Regional Finals60US$26,000
5thOB Esports x NeonMananatili sa Division 1 sa susunod na Tour30US$25,000
6thExecrationMananatili sa Division 1 sa susunod na Tour0US$24,000
7thMotivate Trust GamingLaglag sa Division 2 sa susunod na Tour0US$23,000
8thTNC PredatorLaglag sa Division 2 sa susunod na Tour0US$22,000

I-follow at i-like ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa mga istorya patungkol sa Dota Pro Circuit.