Sinong may sabing tier-two team na ang Nigma Galaxy?
Tinuldukan ng koponang pinangunguhan ni Kuro “KuroKy” Salehi Takhasomi ang mga haka-hakang ito matapos nilang bahiran ng pagkatalo ang perpekto sanang record ng Team Liquid sa Dota Pro Circuit 2021-222 Western Europe Division I Tour 1.
Sinimulan ng Nigma Galaxy ang kanilang kampanya na may 0-3 record, pero nag-improve na ang standing nila sa 3-3 matapos makapagtala ng tatlong sunod na panalo—kontra Team Secret, Alliance, at Team Liquid—sa tulong ni Amer “Miracle-” Al-Barkawi.
Nigma Galaxy pinadapa ang Team Liquid sa DPC WEU

Kahit nanaig ang Team Liquid sa unang mapa ng serye, nagawa namang mabaliktad ng Nigma Galaxy ang sitwasyon para manalo sa iskor na 2-1.
Tiyak na nakatulong ang nasabing panalo sa muling pagpapasiklab kumpiyansa ng koponan pagdating sa decision-making—bagay na hinangaan sa kanila bilang champions.
Sa pagbabalik ng star mid laner nila, balik-dati na ang matikas na makinarya ng Nigma Galaxy. Sa tatlong talo kasi ng koponan, dalawa sa mga ito ay wala si Miracle-.
Pinangunahan ng 24-taong-gulang ang kanilang mga panalo matapos magpakitang-gilas gamit ang kanyang mga signature heroes. ‘Di rin nagpapigil ang manlalaro sa paglibot at paghanap ng kills sa buong mapa.
Sa huling dalawang laro nila kontra Team Liquid, nagtala ang Jordanian ng combined 26/2/28 KDA bilang Invoker at Queen of Pain.
Anong dapat asahan sa natitirang laban sa DPC WEU Div I Tour 1
| STANDINGS | TEAM | GAME RECORD | MATCH RECORD | DPC POINTS |
| 1st | Team Liquid | 11-5 | 5-1 | 300 |
| 2nd | Team Tickles | 9-3 | 4-1 | 180 |
| 3rd | OG | 8-5 | 3-2 | 120 |
| 3rd | Tundra Esports | 7-4 | 3-2 | 60 |
| 5th | Team Secret | 7-7 | 3-3 | 30 |
| 5th | Nigma Galaxy | 6-7 | 3-3 | – |
| 7th | Alliance | 2-8 | 1-4 | – |
| 8th | COOLGUYS | 1-12 | 0-6 | – |
Dahil kinansela ng Valve ang unang Major, halos wala nang silbing makipaglaban para makabilang sa top four, bukod sa DPC points na makukuha na ginagamit para maka-qualify sa The International.
Selyado pa rin para sa Team Liquid ang top four finish pero hindi pa nakataga ang placing nila. Pwede pa silang sumailalim sa tiebreaker lalo na kung makaka-upset ang Alliance sa kanila. Kung mananalo naman sila, sigurado na ang second-place finish para sa koponan.
Apat na koponan naman ang bumubuo sa kalagitnaan ng DPC WEU Division I Tour 1 standings: OG, Tundra Esports, Nigma Galaxy, at Team Secret.
Nabigyan ng pag-asa ang Nigma Galaxy matapos ang kanilang panalo kontra Team Liquid. Ang natitirang laban na lang nila ay kontra COOLGUYS na isang mapa lang ang naipapanalo sa kasalukuyan.
Kung maipapanalo ‘to nina KuroKy, maaari silang makakuha ng DPC points.
Magpapatuloy sa ika-15 ng Enero ang aksyon sa DPC WEU. Maghaharap ang Tundra Esports at Team Tickles, bago laruin ng Nigma Galaxy ang huli nilang laban para sa kasalukuyang Tour.
Masusubaybayan ang bakbakan sa opisyal na Twitch channel ng DreamLeague.