Naniniwala si Kurtis “Aui_2000” Ling na ‘robbed’ ang Southeast Asia ng slots para sa The International 10.

Inilathala ng Canadian player ang kanyang saloobin sa kasagsagan ng TI10 SEA qualifier grand final sa pagitan ng TNC Predator at kalauna’y panalo na Fnatic. Mas mataas daw ang skill level ng mga koponan sa nasabing rehiyon dahil lahat ng mga ito ay ‘competitive’.

DPC format, pinuna rin ni Aui_2000

Bagamat nagustuhan niya ang bagong format ng Dota Pro Circuit, iginiit ni Aui_2000 na mas mainam sana kung mas matimbang ang resulta sa mga Major tournaments kumpara sa regional league para maka-qualify sa The International.

T1 lang mula sa SEA ang directly qualified sa The International 10
12 Directly Qualified Team sa The International 10/Credit: Wykrhm Reddy

Pareho lang kasi ang makukuhang DPC points ng mga mananalo sa regional leagues at Major tournaments sa kasalukuyang format. T1 lang ang koponan na mula sa SEA na naging-directly qualified sa The International 10, sa kabila ng 5th-6th place finish ng OB Esports x Neon sa ONE Esports Singapore Major 2021 at 7th-8th place finish ng TNC Predator sa WePlay AniMajor.

Dahil dito, apat na koponang nakatapak sa Major tournament—TNC Predator, Fnatic, Execration, at OB Esports x Neon—ang nakipagbakbakan sa SEA qualifier, kasabay pa ng mga de-kalibreng koponan kagaya ng Motivate.Trust, Team SMG, Galaxy Racer, BOOM Esports, at iba pa.

Matatagpuan sa SEA ang pinaka-’enjoyable’ na pubs, ayon din kay Aui_2000

Bago ang nasabing tweet, nauna na ring purihin ng tanyag na player ang mga laro sa TI10 SEA qualifier. Namangha siya sa paraan ng paglalaro ng mga ito, partikular ang hindi basta-bastang pagsuko at paglaban hanggang sa dulo.

Tampok ang mga dikit na laban sa nagdaang palakasan. Sa katunayan, sa 12 laro na lumagpas ng isang oras sa ginaganap na regional qualifiers, siyam ay nagmula sa SEA. Pinakamatagal na ang laban ng Galaxy Racer at Motivate.Trust Gaming na umabot ng isang oras, 44 minuto, at 31 segundo.

Naniniwala din siya na sa rehiyon matatagpuan ang pinaka-’enjoyable’ na Dota 2 public games, taliwas sa kadalasang punchline ng mga memes. Bawat manlalaro daw kasi “wants to be in the game and plays their hearts out every game”.

“I can’t remember a single game intentional ruined in all my SEA pubs,” dagdag ni Aui_2000 sa kanyang tweet.


Samantala, sinipa naman sa Arkosh Gaming si Aui_2000 matapos mabigong maka-qualify sa The International 10. Inanunsyo ng koponan ang desisyon sa isang tweet.

Kasama si Aui_2000 sa roster ng Evil Geniuses na nagtagumpay sa The International 2015 kontra CDEC Gaming.