Nagluksa ang Dota 2 community dahil sa biglaang pagpanaw ng beteranong professional player at streamer na si Alaan “SexyBamboe” Faraj.

Kinumpirma ng kanyang kapatid at mga malalapit na kaibigan tulad ni Janne “Gorgc” Stefanovski ang hindi inaasahang pagkamatay ni SexyBamboe.

Credit: Gorgc’s Twitter
Credit: Twitter of SexyBamboe’s brother

Walang opisyal na pahayag tungkol sa sanhi ng pagpanaw ng maalamat na Dota 2 player sa edad na 29. Bumuhos ang pakikiramay mula sa iba’t-ibang pro players, personalidad at Dota 2 fans para sa mga kaibigan at pamilya niya.


Ang esports career ni SexyBamboe

SexyBamboe
Credit: kenzi

Sinimulan ni SexyBamboe ang kanyang esports career bilang isang pro player sa Warcraft III o tinatawag din na DotA (minsan ay Dota 1) bago lumipat sa Dota 2 noong 2011.

Naglaro siya bilang offlaner at support para sa humigit-kumulang 18 koponan sa kanyang isang dekadang karera, kabilang na dito ang mga kilalang organisasyon na Mousesports, Evil Geniuses at Team Zephyr.

Nakasama niya sa South Korea-based squad na Zephyr sila Ben “Merlini” Wu, Kevin “Purge” Godec, William “Blitz” Lee at Corey “Corey” Wright.

Tanyag si SexyBamboe sa kanyang offlane Rubick na nakakuha ng rampage gamit ang stolen Eclipse kontra sa Scythe Gaming sa The International 2014 Southeast Asia qualifiers.

Naging kakampi niya si Martin ‘Saksa’ Sazdov sa 4 Clover & Lepricon at Yazied “YapzOr” Jaradat sa Mamas Boys bago bumalik sa SEA region kasama ang Geek Fam.

Huli siyang naglaro para sa European squad na Team Bald Reborn na binuo ng streamer na si Gorgc at nakapasok sa Dota Pro Circuit 2021 Western Europe Lower Division.

Nakilala rin si SexyBamboe bilang isa sa mga pinakasikat na Dota 2 streamer nitong mga nakaraang taon. Madalas niyang nakakasama sila Gorgc at Wehsing “SingSing” Yuen bago mapansin ang unti-unti niyang paglayo sa content creation simula noong Marso.