Matagal-tagal nang nakabaon sa limot si Bounty Hunter sa Dota 2.
Bago maantala ang Dota Pro Circuit noong nakaraang taon dahil sa banta ng COVID-19, isang beses na-pick ang hero sa limang Minor at Major tournament na idinaos.
Ngayong taon, 38 beses lang lumabas ang hero sa dalawang nagdaang season ng Dota Pro Circuit 2021 kung saan 1623 games ang nilaro sa lahat ng anim na rehiyon.
Nauwi naman sa pagkatalo ang nag-iisang beses na nakalusot ito noong ONE Esports Singapore Major 2021, kaya naman hindi na ito nagkaroon ng pagkakataon na makapagpakita pa sa WePlay AniMajor 2021, pati na rin noong nagdaang regional qualifiers para sa The International 10.
Pati sa public matches, hindi na rin ganoon kasikat si Gondar. Noong nakaraang tatlong buwan, bumaba sa ngayo’y 49.72% ang kanyang win rate, habang mas malaking 1.80% naman ang binagsak ng kanyang pick rate, mula sa 10.06%.
Bakit nga ba tila limot na si Bounty Hunter?

Mapa-support o core, sadyang mas maraming mas magagandang pick kesa kay Bounty Hunter sa mga nagdaang meta ngayong taon.
Mas mainam kasi gamitin ang hero sa mga pagkakataong masasandalan ang kakayahan niyang mag-snowball, salamat sa pera na binibigay ng Track. Pero kung tumatagal nang higit isang oras ang mga laban dahil sa kasalukuyang meta, halos walang silbi ang advantage na binibigay nito.
Wala sa mga skills o stats niya ang hinahayaan siyang makapag-clear ng mga stacks o makapag-flash farm bilang carry. Hindi siya makunat gaya ni Dragon Knight, at wala siyang skill na pwedeng pang-initiate katulad ni Tidehunter o Mars para maging offlaner.
Wala rin siyang reliable disable, healing ability, at tiyak na mas mahina ang kanyang burst damage potential kumpara sa mga support kagaya nina Lion, Hoodwink, Phoenix, o Nyx Assassin, ang apat sa most-picked heroes noong nagdaang qualifiers.
Wala rin sa mga sumikat na heroes sa kasalukuyang meta ang maaari niyang kontrahin. Masyadong makukunat sina Terrorblade, Axe, at Medusa para likuran ng isang Bounty Hunter. Bagamat mas malambot naman sina Lina, Puck, at Leshrac, tiyak naman na malulusaw lang ito bago pa makalapit.
Kung tutuusin, ang tanging silbi na lang ni Bounty Hunter ay ang abilidad niyang sumagap ng impormasyon gamit ang invisibility. Ngunit ang mismong kalakasan niyang ito ay kayang-kaya na kontrahin ng tig-80 gold na Dust of Appearance o tig-50 gold na Sentry Ward, na hindi nawawala sa mas matataas na lebel ng kompetisyon.
Dapat na bang i-revamp si Bounty Hunter?

Sa kasaysayan ng Dota 2, may dalawang dahilan kung bakit nire-revamp ang isang hero: masyado itong malakas o masyado itong mahina, kahit ano pa ang maging meta.
Magandang halimbawa si Io sa unang kaso. Patunay ang pagiging isa niya sa mga most banned heroes sa kasaysayan ng professional Dota 2, kaya’t binago ni Valve ang paraan kung paano gumagana ang Tether at Overload, dalawang skill ng hero na siyang dahilan kung bakit ito overpowered.
Sa kabilang banda naman, pasok na halimbawa si Outworld Devourer. Wala halos pumapansin sa kanya bago i-rework ni Valve kung paano gumagana ang Equilibrium sa Essence Flux at ultimate niyang Sanity’s Eclipse.
Hindi rin natin maipagkakaila na may mga hero lang talaga na sadyang hindi pang professional play dahil sa taglay nitong disenyo, kagaya ni Pudge. Meron ding mas mabuti lang ipang-cheese katulad ni Huskar o Techies, at meron namang once in a blue moon lang maging malakas sa meta, parang si Shadow Fiend.

Sa kaso ni Bounty Hunter, hindi maipagkakaila na masyado ito ngayong mahina kung kakailanganin man nito ng revamp. Para naman sa katangian niya bilang hero sa konteksto ng professional play, masasabing pasok ito sa lahat ng nabanggit, puwera na lang bilang pang-cheese pick.
Mainam na pagandahin ang scaling ni Bounty Hunter para hindi lang ito umasa sa kakayahan niyang mag-snowball. Pwede rin na bigyan na lang muna ito ng buffs o i-rework ang ilan sa kanyang mga skills.
Kung bibigyan man ito ni Valve ng pang-initiate sa mga team fight o AoE ability para makapag-farm ay naayon na ito sa kanila. Huwag lang sana maging kasing overpowered katulad ng 7.28 Riki.