Hindi naging sapat ang pagpapakitang-gilas ng Storm Spirit ni Karl Matthew “Karl” Baldovino para mapigilan ang pangwawalis na inabot ng T1 kontra Invictus Gaming sa unang araw ng The International 10 group stage.

Nanaig ang pambato ng China kontra kinatawan ng Southeast Asia sa best-of-two series nang magharap ang dalawa para simulan ang kani-kanilang kampanya sa TI10 Group Stage.

IG winalis ang T1 sa kabila ng Storm Spirit ni Karl

Invictus Gaming, ONE Esports Singapore Major 2021 champion
Credit: ONE Esports

Malinis na tinrabaho ng koponang hinirang na kampeon sa ONE Esports Singapore Major 2021 ang T1. Hindi nakasabay sa Morphling ni Jin “flyfly” Zhiyi ang Gyrocopter-Io combo nina Nuengnara “23savage” Teeramahanon at Kenny “Xepher” Deo, dahilan para mapilitan silang mag-gg matapos ang 37 minuto.

Mas maganda ang pinakitang laro ng koponang pinangungunahan ni Carlo “Kuku” Palad paglapag ng ikalawang mapa. Maagang sumiklab ang Storm Spirit ni Karl kontra Ember Spirit ni Zhou “Emo” Yi.

Hawak ng T1 ang tempo pagpasok sa mid game lalo na’t meron silang Dark Ascension ng Night Stalker ni Kuku at Ravage ng Tidehunter ni Matthew “Whitemon” Filemon. May punto pa nga kung saan apat ang napitas ng mga ito sa isang bakbakan.

Bagamat nagawang tambakan ng T1 ang IG sa kills, bigo silang maungusan ang mga ito sa iba pang aspeto ng laro. Unti-unting naglaho ang kanilang kalamangan simula nang mangibabaw ang IG sa clash na ‘to sa may Roshan pit.

Kahit nakapagtala ang Storm Spirit ni Karl ng 10 kills, at 13 assists kontra dalawang deaths, nanaig pa rin ang IG sa mapa, at serye, matapos ang halos 41 minutong bakbakan.

Storm Spirit ni Karl, tampok sa T1
Credit: T1

Nagsanib-puwersa ang Ember Spirit ni Emo at Doom ni Thiay “JT-” Jun Wen para magtala ng 17 sa 26 kabuuang kills ng kanilang koponan. Si Emo rin ang may pinakamataas na damage dealt sa laro na pumalo sa 37.1K.


Tuloy ang kampanya ng T1 sa unang araw ng TI10 Group Stage kontra Evil Geniuses. Samantala, Team Undying naman ang susunod na kalaban ng IG. Mapapanood ang bakbakan sa opisyal na Filipino broadcast ng TI10 sa Twitch, YouTube, at Facebook.


Gusto mo pa ba ng aksyon mula sa Invictus Gaming? Panoorin ang koponan sa Heroes of the Game documentary.