Bumida ang support Faceless Void ni Jaunuel “Jaunuel” Arcilla upang maka-abante ang OB Esports x Neon sa grand final ng PNXBET Invitational Southeast Asia Season 2.

Sinelyo ng kakaibang pick ang tagumpay ng koponan kontra Motivate.Trust Gaming sa upper bracket final ng nasabing Dota 2 tournament.

Support Faceless Void ni Jaunuel, susi sa tagumpay ng OB.Neon

Galing sa 22-minutong panalo ang mga Pinoy nang maisipan nilang palaruin ng Faceless Void ang kanilang position-five player sa ikalawang mapa ng best-of-three serye.

Pinarisan nila ito ng tatlong ranged cores—Nature’s Prophet ni Andrei “ctm” Ong, Puck ni Japoy “Yopaj” Ferrer, at Viper ni Michael “Enryu” Ladines—pati na rin ng soft support Invoker ng stand-in nilang si Timothy “TIMS” Randrup ng TNC Predator.

Support Faceless Void: Upper Bracket Final Game 2 Draft OB.Neon vs Motivate.Trust Gaming
Credit: Neon Esports

Dahil sa draft na ito, ang naging trabaho lang ni Jaunuel ay makapag-Chronosphere. Hindi niya kinailangan ng items dahil sapat na ang damage ng kanyang mga kakampi upang mapatay ang mga kalaban na mahuhuli sa loob nito.

Nasampolan ng nasabing execution ang Motivate.Trust Gaming bandang 14-minuto ng laban. Ba-back na sana ang mga ito matapos ang palpak nilang gank attempt pero nahuli ni Jaunuel ang Kunkka ni Poomipat “Fearless” Trisiripanit sa Chronosphere. Free hit sa kanya ang Viper ni Enryu hanggang mapatay ito ng Wrath of Nature ni ctm.

Bagamat hindi nakalabas nang buhay ang Faceless Void, apat na hero naman ang napatumba sa kabilang panig pagkatapos ng team fight.

Meteor Hammer ang napiling core item ni Jaunuel. Kung matataymingan nang maayos, isa’t-kalahating segundong stun duration ang naipapatong nito pagkatapos ng hanggang limang segundo sa loob ng Chronosphere. Bumili rin siya ng Blink Dagger upang mapabuti ang kanyang kakayahang mag-initiate o counter-initiate sa mga bakbakan.

Bandang 35-minuto ng laro, nagamit ni Jaunuel ang mga items na ito upang masalba ang laro. Nahuli niya sa Chronosphere ang tatlong kalaban na sinusubukang patayin si ctm na magre-retake sana ng Outpost. Sakto rin ang Meteor Hammer stun para maubos ang duration ng Duel kontra sa kanyang kakampi, dahilan para mapindot ng Nature’s Prophet ang Satanic at Black King Bar niya.

Dalawang lane ng barracks ang naging kabayaran ng team wipe na ito kontra Motivate.Trust Gaming. Mas naging solid pa ang kakayahan ng OB.Neon na makapatay sa ultimate ni Faceless Void matapos bumuo ng Aghanim’s Scepter si Tims para sa Cataclysm.

Bagamat bahagya pang tumagal ang laban, napilitan din na mag-gg ang kalaban bandang 42-minuto matapos mag-dieback ang Phantom Lancer ni Souliya “JaCkky” Khoomphetsavong.

Lumabas na 16 kalaban ang nahuli ng Faceless Void ni Jaunuel sa kanyang Chronosphere sa anim na beses niya itong na-cast. Game-high 42k damage naman ang ambag ni ctm pati na 85% kill participation. Pareho rin silang nagtala ni Tims ng game-high 20 assists.


Nakatakdang kalabanin ng OB.Neon sa best-of-five grand final ang mananalo sa lower bracket final matchup sa pagitan ng Team SMG at Motivate.Trust Gaming.

Bukod sa kampeonato, ang mananalo sa turneo ay mag-uuwi din ng PHP 300,000, ang pinakamalaking bahagi ng PHP 700,000 na prize pool.

Mapapanood ang grand final ng PNXBET Invitationals Southeast Asia Season 2 sa official YouTube at Facebook channels ni KuyaNic.