Inanunsyo ng Team Aster na tatlo sa kanilang Dota 2 players, kabilang na rin ang ilang staff, ay nagpositibo sa COVID-19.

Isa ang nasabing koponan sa 18 Dota 2 teams na nasa Bucharest, Romania ngayon para sa The International 10.

Ang opisyal na pahayag ng Team Aster

Opisyal na pahayag ng Team Aster

Naglathala ng pahayag ang naturang esports organization sa kanilang opisyal na Weibo page. Ayon dito, nagpositibo sa COVID-19 ang mga sumusunod:

  • Du “Monet” Peng
  • Lin “Xxs” Jing
  • Ye “Borax” Zhibiao
  • Cheng “Mad” Han, ang assistant coach ng koponan
  • Ang ‘leader ng Dota 2 branch’ at video staff

Sina Monet, Xxs, at Borax ang position 1, 3, at 4 players ng Team Aster, ayon sa pagkakabanggit.

Nabanggit din ng organisasyon na ngayon ay naka-self isolate na ang mga miyembrong nagpositibo sa naturang virus, kahit pa ito ay mga asymptomatic o ‘mildly ill’.

Dagdag nito, ipinaalam din daw agad ng Team Aster ang kanilang kalagayan sa iba pang Chinese teams na kasama nila sa kanilang hotel. Nakikipag-ugnayan na rin daw ang mga ito sa tournament organizer at nangakong magbigay ng update kung magkaroon ng progreso.

Sa oras ng paglathala, wala pang opisyal na pahayag ang Valve ukol sa pangyayari.

Credit: Valve

Nakatakdang ganapin ang The International 10 simula ikapito hanggang ika-17 ng Oktubre.