Sa Team SMG napadpad si Kam “Moon” Boon Seng matapos umalis sa Fnatic upang paghandaan ang paparating na The International 10 Southeast Asia qualifier.
Ang kabiguan ng Fnatic na makapasok sa huling Major tournament ng Dota Pro Circuit 2021 ang nagsilbing mitsa sa serye ng roster change. Pinalitan ni naman ni Yang “Deth” Wu Heng ang Malaysian midlaner sa koponan.
Ang karera ni Moon
Isa sa mga kinikilalang batikang manlalaro, sinimulan ni Moon ang kanyang professional Dota 2 career noong 2014. Higit siyang nakilala sa WarriorsGaming.Unity bago kunin ng Mineski-Dota noong 2017.
Kabilang si Moon sa kargadong roster ng Mineski-Dota na nag-uwi ng championship title sa Dota 2 Asia Championship 2018, ang kauna-unahang Major title ng rehiyon.
Kinatawan din ng manlalaro ang Southeast Asia noong dalawang huling The International. Sumali si Moon sa Fnatic upang palitan si Abed “Abed” Yusop noong 2019, bago umalis matapos ang halos dalawang taon.
Team SMG, susubukang pumalag sa TI10 SEA Qualifiers
Binuo ng Southeast Asian organization ang Dota 2 roster nito, na nakasentro sa mga de-kalidad na free agents na sina Yeik “MidOne” Nai at Damien “kpii” Chok, bago magsimula ang ikalawang season ng Dota Pro Circuit 2021.
Nagawang makapasok ng Team SMG sa lower division ng Southeast Asia mula sa ikalawang open qualifier. Agad nagpamalas ng tikas ang koponan matapos nitong tapusin ang season sa sa ikalawang puwesto na may 6-1 win-loss record.
Team SMG Dota 2 roster:
- (1) Yeik “MidOne” Nai
- (2) Kam “Moon” Boon Seng
- (3) Damien “kpii” Chok
- (4) Tue “ah fu” Soon Chuan
- (5) Roger “Roddgeee” Tan
Ngayong may dagdag bala na ang koponan matapos i-recruit si Moon, susubukan ng Team SMG na kunin ang nag-iisang slot papuntang The International 10 para sa Southeast Asia mula sa mga kalahok na ito:

- OB.Neon
- BOOM Esports
- Execration
- Fnatic
- Omega Esports
- Motivate.Trust
- TNC Predator
- Lilgun
- Army Geniuses
- 496 Gaming
- Galaxy Racer
- Team Mystery
- Cignal Ultra
- ex-South Built esports
Gaganapin ang Southeast Asia qualifiers para sa The International 10 simula sa Hunyo 30 hanggang sa Hulyo 3.