Kahit kelan, hindi naging madali ang mga regional qualifier. Ngunit para sa ibang teams, ito na lang ang tanging daan para sila ay makasali sa pinakamalaking Dota 2 tournament ng taon, ang The International 10.

Dahil ang WePlay AniMajor na ang huling Dota Pro Circuit event ng taon, lahat ng teams na wala nang tsansang makakolekta pa ng points ay kailangan manalo sa TI10 regional qualifiers upang makalipad sa Stockholm, Sweden.

Ang masaklap, isang koponan lang kada rehiyon ang maaring umabante sa TI10.

The International 10 Regional Qualifiers Dates
Credit: Valve

Kamakailan, inanunsyo ni Valve ang mga petsa para sa paparating na regional qualifiers:

  • Eastern European at South America: June 23 hanggang 26
  • North America at Southeast Asia: June 30 hanggang July 3
  • China at Western Europe: July 7 hanggang 10

Mga kilalang koponan na dadaan sa regional qualifiers

OG (Western Europe)

Credit: OG

Hindi sapat ang pagbabalik ni ‘humblegod’ para ma-exempt ang OG sa regional qualifiers.

Bigo ang reigning at back-to-back Aegis of Champions bearers na makatungtong sa ONE Esports Singapore Major, gayun din sa WePlay AniMajor, kaya hindi sila nagkaroon ng tsansa na makaipon ng mas maraming points.

Kahit pa tila sa butas ng karayom dadaan ang OG, hindi pa rin huli ang lahat para sa koponan. Matatandaang mula rin sa madugong European Open Qualifiers ang team ni Johan “N0tail” Sundstein bago sila gumawa ng kasaysayan noong 2018.


Royal Never Give Up at Elephant (China)

Wala sa mga kilalang Chinese teams na ito ang nakatapak sa parehong Major tournament ngayong Dota Pro Circuit 2021.

Noong 2019, ang RNG ang isa sa mga naging delegado ng China sa The International matapos nilang manalo sa regional qualifiers. Hindi rin basta-basta ang kanilang pinakita sa harap ng kanilang home crowd dahil tinapos nila ang palaro sa ika-7th-8th na pwesto.

Kung titignan sa papel ang mga players na bumubuo sa team na ‘to, matatawag na super team ang Elephant.

Kay Lu “Somnus丶M” Yao and Xu “fy” Linsen pa lang, na tinapos ang TI8 sa ikalawang pwesto at TI9 sa ikatlo, tiyak na isa ang Elephant sa paboritong mananalo ng China regional qualifiers.

Ang tanong: sino kaya sa dalawang team na ito ang makakatungtong sa TI10?


Natus Vincere (Eastern Europe)

Solid sana ang naging performance ng Na`Vi noong unang season ng DPC 2021 CIS Upper Division nang sila ay magtala ng 5-2 win-loss record.

Kaso dahil sa COVID-19, bigong makadalo ang koponan sa ONE Esports Singapore Major. Hindi rin naulit ng Na`Vi ang kanilang tagumpay sa ikalawang season kaya wala na silang pagkakataong makakuha pa ng DPC points.

Hindi maipagkakaila ang kontribusyon ng Na`Vi sa professional Dota 2. Sila ang kauna-unahang kampyon ng The International at lumaro rin sila sa dalawang-sunod na grand finals pagkatapos nito. Kaso mula noon, hindi na naging ganon ka-consistent ang kanilang mga resulta.

Ngayong tatlo sa dating tanyag na players ng Virtus.pro — Roman “Ramzes666” Kushnarev, Vladimir “No[o]ne” Minenko, Vladimir “RodjER” Nikogosyan — ang lalaro para sa koponan sa regional qualifiers, kasama pa si Akbar “SoNNeikO” Butaev, mukang mataas ang tsansa ng Na`Vi na magtagumpay sa regional qualifiers.


Fnatic Dota (Southeast Asia)

Credit: ONE Esports

Ang isa sa pinakamalakas na team sa Southeast Asia ay kailangang dumaan sa Regional Qualifiers para makapasok sa TI10.

Maganda ang naging simula ng Fnatic sa unang season ng DPC ngayong taon. Nag-first place sila sa Upper Division, kaso hindi nagbunga ang tagumpay na ito sa ONE Singapore Major.

Kinapos rin ang koponan na makasali sa WePlay AniMajor matapos matalo kontra Execration sa third-place tie-breaker ng DPC 2021: Season 2 – Southeast Asia Upper Division.

Present sa halos lahat ng The International ang Fnatic. Matapos nilang ianunsyo ang pagkakatanggal kay Moon, ganun pa rin kaya ang maging kaso ngayong TI10?


Tumutok lang sa WePlay AniMajor para malaman kung sinong mga teams ang bubuo sa 12 direct invitees ng The International 10.