Bigong makapasok ang TNC Predator sa The International 10 matapos ma-reverse sweep ng Fnatic sa grand final ng Southeast Asia qualifier.

https://www.facebook.com/TNCProTeamDota2/posts/4229262160489398

Ngunit sa kabila nito, bumida pa rin ang all-Filipino team sa pinakamagagandang laro na nagpatunay hindi lang sa mataas na kalibre ng kompetisyon sa rehiyon, kung hindi pati na rin sa kanilang pagsibol bilang isang world-renowned na koponan.

Ang comeback win ng TNC Predator vs BOOM Esports

TNC Predator: Tims, Armel, Boomy, Bok, Gabbi
Credit: TNC Pro Team – Dota 2

Kilala noon ang TNC Predator, at karamihan na rin sa mga koponan mula sa SEA, bilang mga agresibong manlalaro na kadalasang malakas sa early game pero natatalo pagdating sa late game.

Pero taliwas ito sa ipinakita nila kontra BOOM Esports sa game three ng kanilang best-of-three series sa ikalawang round ng upper bracket. Umabot ng isang oras, 15 minuto, at tatlong segundo ang laban na napagtagumpayan ng mga Pinoy kahit pa lumampas sa 32k ang itinambak na gold ng kalaban.

Sinubukan nilang na baliktarin ang sitwasyon sa tulong ng isang smoke gank. Ginulat nilang ang pambato ng Indonesia habang papalapit ito sa kanilang base na nagresulta sa pagkakapitas ng Templar Assassin ni Rafli Fathur “Mikoto” Rahman, Lion ni Alfi “Khezcute” Nelphyana, at Phoenix ni Brizio Adi “Hyde” Putra.

Sa isa pang team fight bandang 72-minuto ng laban, muling napitas ang tatlong hero, pero kumpara sa nauna, wala nang buyback ang parehong support ng BOOM Esports.

Sa three-versus-five na laban, matapos mapuwersa si Mikoto na mag-buyback, sinubukan na lang nila rektahin ang base ng kanilang kalaban sa tulong ng Exorcism ng Death Prophet ni Jun “Bok” Kanehara.

Kahit napitas ang Snapfire ni Marvin “Boomy” Rushton, pokus lang ang koponan upang malampasan ang bumabalakid sa kanila sa pagsungkit sa pinakamalaking gold lead comeback ng buong qualifier.

Ka-‘comeback stronger’ ang TNC Predator

Credits: WePlay AniMajor

Nagpamalas ng mahabang pasensya, galing sa decision-making, at mas matinding kagustuhan na manaig kontra sa kalaban ang koponang pinangungunahan ni Boomy sa larong iyon. Ilan sa mga nabanggit na dahilan ay wala pa sa kanila noong mga nakaraang taon.

Kung merong napatunayan ang kabuuang kampanya ng TNC Predator, lalo na ang comeback win nilang ito, tungkol sa kanila, ito ay ang patuloy nilang paglaki bilang isang competitive team.

Ang mabuting balita, hindi lang sa mga Pinoy nakikita ang pagsulong na ito. Napansin din ng analyst na si Leon “Arthur” Lee na gumagaling na ang mga koponan sa rehiyon pag dating sa pagpili ng team fights.

Bagamat dahilan din ang kasalukuyang meta sa mas mahahabang duration ng laban at mas mababang kill score sa mga laban sa rehiyon, hindi pa rin maipagkakaila ang improvements sa paraang maglaro ng mga koponan dito.

Hindi lang si Arthur ang nakapansin nito. Ipinabatid din ng Canadian support player na si Kurtis “Aui_2000” Ling ang kanyang papuri sa koponan at buong rehiyon sa serye ng mga tweet noong kasagsagan ng TI10 SEA Qualifier final.

Hindi man na mapapanood sa ngayon ng mga Filipino ang paborito nilang koponan sa The International matapos ang higit limang taong pagsuporta sa kanila sa pinakamalaking Dota 2 tournament, hindi rin masamang umasa na sa pagbalik ng TNC Predator, ay mas malakas na sila.