Buhay pa ang tsansa ng TNC Predator na panatilihin ang pwesto nito sa susunod na Tour ng Dota Pro Circuit (DPC) 2021-2022 Southeast Asia Division 1.

Ito’y matapos dominahin ng TNC ang OB Esports x Neon sa pamamagitan ng isang 2-0 sweep upang mailista ang kauna-unahang panalo nito sa Winter Tour.

Bumida ang matinik na Rubick ni position-4 support Prieme Ejay “PlayHard” Maque sa 41-minute win sa Game 1 bago durugin ng TNC ang OB.Neon sa 24-minute Game 2 kung saan nagliyab ang Ember Spirit ni midlaner Yuri Dave “Yowe” Pacaña.

Pinutol ng TNC ang 10-game, five-series losing streak nito sa Tour 1. Pero ang mas importante ay may pag-asa pa sila captain-hard support Kim “Febby” Yong Min at kanyang mga kasamahan na manatili sa Division 1.

Credit: Beyond The Summit

Ang bottom two teams sa pagtatapos ng Tour 1 Division 1 ay malalaglag sa Division 2. Sa ngayon, nasa dulo pa rin ng Division 1 standings ang TNC Predator at kakailanganin nilang talunin ang Team SMG bukas ng gabi.

Bukod pa rito, dapat hindi makakuha ng tatlong panalo ang at least dalawa sa Execration, OB. Neon at Motivate Trust Gaming para magkaroon ng tiebreaker.

Kinakaharap ngayon ng Execration ang T1 at may dalawa pa silang serye, laban sa Fnatic at BOOM Esports. May isang match na lang ang Motivate Trust at ito ay kontra sa Neon samantalang ang isa pang serye ng Neon ay laban sa SMG.


TNC Predator gutom pang manalo, sabi ni Yowe

Credit: TNC Predator

Bagamat ito ang unang panalo ng TNC Predator sa DPC SEA Tour 1 Division 1, sinabi ni Yowe sa post-match interview na “it’s just another day, another Dota” para sa koponan.

Ani ng 20-year-old pro na tubong Cebu, may plano pa silang manalo sa iba nilang laban at umaasa siya na ang sweep kontra sa OB Esports x Neon na ang simula ng pagbangon nila.

“It (first DPC win) is something special but we’re just thinking that they’re just one of the teams. We’re planning to keep winning. So, this one is just the start or stepping stone,” sabi ni Yowe.

(Espesyal pa rin naman ito pero iniisip namin na isa lang din sila sa mga koponan dito. Plano namin na manalo pa. Ito pa lang ang simula para sa’min.)

Natanong din si Yowe kung ano ang naging susi sa serye kontra Neon at sinabi niyang ito ay ang gutom nila na manalo. Pero idiniin niya na hindi sila pwede masyadong magsaya dahil may natitira pa silang match laban sa SMG.

Maaari niyong subaybayan sa Facebook page ng ONE Esports Philippines ang mga pangyayari sa DPC Southeast Asia at iba pang rehiyon.