Hindi muna sasabak sa mga Dota 2 tournament ang TNC Predator hanggang sa susunod na season ng The International upang makapagpahinga ang kanilang mga players kasama ang kanilang pamilya.
Inanunsyo ng organisasyon ang kanilang desisyon ilang linggo matapos mabigo sa Southeast Asia qualifier ng The International 10. Ito ang unang beses na hindi makadadalo sa taunang Dota 2 world championship ang koponan simula noong ika-anim nitong edisyon.
“A lot has happened since the pandemic breakout and we want the players to use this time to be with their families, take a much needed break and build the best versions of themselves as preparations for the next big fight,” sulat ng koponan sa kanilang post.
Patuloy namang susuportahan ng TNC ang mga manlalarong Pinoy at Southeast Asian teams na makikipagbakbakan para sa Aegis of Champions. Pinasalamatan din nila ang kanilang mga fans at siniguradong maglalabas sila ng mga content tungkol sa players nila at updates sa TI.
“The fire is still burning and we are still together in working to achieve the dream of becoming one of the TI champions. We will work to make you guys proud once more,” dagdag nila.
Ang 2021 season ng TNC Predator

Hindi naging kasing ganda kumpara noong mga nakaraang taon ang mga naging resulta ng koponan ngayon.
Bigo ang TNC Predator na makapasok sa ONE Esports Singapore Major 2021, ang unang Major tournament ng taon, matapos nilang tapusin ang Dota Pro Circuit 2021: Season 1 – SEA Upper Division sa ika-apat na puwesto.
Bago pumasok ng ikalawang season, bumuo ng all-Filipino roster ang koponan nang palitan nina Jun “Bok” Kanehara at Marvin “Boomy” Rushton sina Damien “kpii” Chok at Kim “Febby” Yong-min.

Mas maganda ang naging resulta ng koponan dahil naka-qualify sila sa WePlay AniMajor 2021 matapos maselyo ang ikalawang puwesto sa DPC 2021: Season 2 – SEA Upper Division. Hindi nga lang naging sapat ang 7th-8th place finish ng koponan sa huling Major tournament upang maka-directly qualify sa TI10.

Umabot hanggang sa grand final ng TI10 Southeast Asia qualifier ang TNC Predator kung saan binuksan nila ang best-of-five serye nang may 2-0 na kalamangan. Ngunit sa huli, nanaig ang Fnatic matapos nilang kumpletuhin ang reverse sweep at i-deny ang tiket ng mga Pinoy papuntang Bucharest, Romania.
Bagamat wala pang opisyal na pahayag ang Valve patungkol sa susunod na competitive season ng Dota 2, inaasahan itong ganapin pagkatapos ng The International 10 sa Oktubre.