Nilinaw ng TNC Predator management na hindi natatapos ang kanilang paglalakbay sa professional Dota 2 sa pagiging free agent ng mga manlalarong huling bumuo sa kanilang roster.
Sa isang liham na inilathala sa social media, ipinabatid ng CEO at Owner ng tanyag na esports organization na si Eric Redulfin na magpapatuloy ang kanilang misyon para makuha ang pinaka-aasam na Aegis of the Immortal, ang championship trophy ng taunang Dota 2 world championship na The International.

“Rebuilding the team will never be easy and, despite this being our biggest hurdle yet, the Phonix will work its way to rise again and compete in the highest level,” sulat Redulfin.
Nagpasalamat din ang CEO sa komunidad na patuloy na sumusuporta sa koponan, ano man ang kanilang kaharapin.
Huling roster ng TNC Predator, free agents na

Free agents na simula ika-15 ng Setyembre sina Kim “Gabbi” Villafuerte, Armel “Armel” Tabios, Jun “Bok” Kanehara, Timothy “Tims” Randrup, at Marvin “Boomy” Rushton, ang mga huling manlalarong bumuo sa Dota 2 roster ng TNC Predator.
Ang naturang desisyon ay inanunsyo noong ika-13 ng Setyembre matapos magkasundo ang mga manlalaro at organisasyon nang sila’y magusap-usap tungkol sa ‘individual growth’.

Sa isang eksklusibong panayam ng organisasyon kasama sina Gabbi, Armel, at Tims, pinaalalahanan ni Redulfin ang mga dati niyang manlalaro na patuloy niyang susuportahan ang mga ito, saan man ang mga ito mapunta.
“… Nandito naman ako eh. Kahit saan kayo pumunta, kapag kailangan niyo ng tulong ko, isang chat lang,” ani niya.
Wala pang pormal na anunsyo kung saan pupunta ang mga dating manlalaro ng TNC Predator o sinong mga manlalaro ang susunod na bubuo sa tanyag na Filipino Dota 2 team.
Ngunit ayon sa nasabing liham, ipinabatid ni Redulfin na muling kikitain ng organisasyon ang Phoenix Army, ang tawag sa kanilang fan base, pagkatapos ng The International.
Nakatakdang ganapin ang TI10 simula ikapito hanggang ika-17 ng Oktubre.