Napadugo ng Tundra Esports ang kasalukuyang kampeon ng The International na Team Spirit matapos nila itong talunin sa grand final ng OGA Dota PIT EU/CIS Season 5 sa iskor na 3-1.
Gaya kung paano ginapang ng Team Spirit ang lower bracket ng TI10 playoffs matapos mabigo sa unang serye nila sa upper bracket, gayundin ang pinagdaanan ng Tundra Esports para mapagtagumpayan ang nasabing turneo.
Nabigo sila sa Team Spirit sa unang round upper bracket, tsaka in-eliminate ang Natus Vincere, Nigma Galaxy, OG, at Team Secret para muling makaharap ang koponang pinagbibidahan ni Magomed “Collapse” Khalilov sa grand final.
Nine bumida para matalo ng Tundra Esports ang Team Spirit

Sa tatlong mapa na naipanalo ng Tundra Esports sa best-of-five serye, hindi nabigo ang midlaner nilang si Leon “Nine” Kirilin na magpakitang-gilas.
Siya ang nagtala ng pinakamaraming bilang ng kills at damage dealt sa lahat ng kanilang mga panalo. Sa unang mapa, 14 mula sa 34 kabuuang bilang ng kills ng kanyang koponan ay nanggaling sa kanyang Queen of Pain.
Sa ikatlong mapa ng serye, inilabas ng koponan ang Broodmother para kay Neta “33” Shapira. Sinubukan itong sagutin ng Sven ni Illya “Yatoro” Mulyarchuk pero wala rin itong nagawa lalo na’t nahirapan ang Team Spirit sa laning phase.
Ibinalik ng Tundra Esports ang Queen of Pain ni Nine matapos itong palusutin sa ika-apat at kalauna’y huling mapa ng serye. Madaling naipanalo ng 23-taong-gulang na manlalaro ang kanyang tapatan kontra Ember Spirit ni Alexander “TORONTOTOKYO” Khertek dahilan para makapagtala ito ng game-high 13 kills at 34.3k damage.
Salamat na rin sa Luna ni Oliver “skiter” Lepko na lumusaw sa mga tore ng kalaban, nakumpleto ng Tundra Esports ang kanilang upset kontra kasalukuyang may hawak ng Aegis of Champions para magtagumpay sa turneo.

Ang naturang pagkabigo ng Team Spirit kontra Tundra Esports ay ang una nilang series loss simula noong ilaglag sila ng Invictus Gaming sa unang round ng upper bracket noong TI10 playoffs.
Napanatili kasi nila ang kanilang winstreak mula nang malaglag sa lower bracket ng nasabing Dota 2 world championship, maging sa upper bracket ng OGA Dota PIT EU/CIS Season 5, hanggang sa tumatakbong season ng Dota Pro Circuit.
Sa susunod na taon na muling sasabak sa aksyon ang Tundra Esports at Team Spirit sa Division I ng kani-kanilang DPC rehiyon.
Dahil sa kanilang panalo sa OGA Dota PIT EU/CIS Season 5, mapupunta rin sa Tundra Esports ang USD$73,000, o higit PHP 3.6 milyon, na grand prize mula sa USD$175,000, o higit 8.7 milyon na prize pool.
BASAHIN: Armel gustong makaharap at talunin ang ‘strongest team in SEA’ na T1 sa DPC