Tagumpay ang Tundra Esports kontra OG, 2-0, sa upper bracket finals ng The International 10 Western Europe qualifiers matapos magpakitang-gilas bilang Winter Wyvern ang kanilang mid player na si Leon “Nine” Kirilin.

Tundra Esports victory
Credit: Tundra Esports

Sa kabila ng kanilang panggugulat gamit ang Chen noong ikalawang araw ng nasabing qualifier, tila ang defending Aegis of Champions bearer naman ngayon ang hindi nakapaghanda sa stratehiyang dala ng Dota Pro Circuit Western Europe Upper Division Season 2 fifth-placer.

Paano pinagana ng Tundra Esports ang Winter Wyvern mid

Hindi maipagkakaila na isa si Winter Wyvern sa mga heroes na malakas sa kasalukuyang meta dahil sa ultimate niyang Winter’s Curse, na kayang magbaliktad ng team fight, pati na rin ang kakayahan nitong bumawas at mag-heal ng porsyento ng buhay.

Winter Wyvern Dota 2
Credit: Valve

Kadalasang support ang role na pinupunan ng naturang hero, pero iba ang naging approach ng Tundra Esports pagpasok ng serye. Splinter Blast ang naging priority ni Nine sa skill points upang mapabilis ang pag-farm niya ng core item na Witch Blade. Sinundan niya ito ng Aghanim’s Scepter upang palakasin ang Arctic Burn at Silver Edge upang tuluyang kontrahin ang makunat na Bristleback ni Syed Sumail “SumaiL” Hassan.

Bandang 29-minuto ng bakbakan, napakita ng manlalarong German ang potensyal ng hero na magtala ng malaking damage. Walang sagot ang mga melee cores ng OG sa malayong attack range ng Winter Wyvern dahil sa toggleable na Arctic Burn. Hindi rin nila ito magawang lapitan nang hindi nababawasan nang malubha dahil sa slow at percentage damage nito.

Pagkatapos ng 33-minutong laban, lumabas na nagtala si Nine ng game-high 34.7k damage at 11 kills sa kanilang pagkakapanalo. Sumandal naman ang koponan sa Luna ni Oliver “skiter” Lepko at Broodmother ni Neta “33” Shapira para sa building damage.

Mga Ravage ni 33, pinabagsak ang OG sa lower bracket

Paglapag ng ikalawang mapa, hindi na kinailangan ng Tundra Esports ng kakaibang strategy upang tuluyang walisin ang OG. Umasa ang mga panelist ng mahabang laro dahil lumabas sa draft ang Terrorblade at Arc Warden para sa magkabilang koponan, ngunit 42 minuto lang ang kinailangan ng United Kingdom-based na organisasyon upang tapusin ang laban.

Bukod sa game-high 28 kills na ini-score ng Razor ni Nine, malaki rin ang itinulong ng mga Ravage ni 33 upang iangat ang kanyang koponan sa mga team fights. Dalawang four-man Ravage sa dalawang magkasunod na bakbakan ang pinakawalan ng offlaner, kabilang na ang isang ito bandang 18-minuto.

Kahit pa nagawa ng OG na madepensaha ang kanilang high ground nang ilang beses salamat sa Leshrac ni SumaiL, hindi pa rin ito naging sapat upang maagaw sa Tundra Esports ang kalamangan.

Napako ng koponan kalaunan ang panalo sa likod ng double Ravage ni 33 bandang 40 minuto ng laban, na nagpa-dieback kay SumaiL, Oracle ni Johan “N0tail” Sundstein, at Lion ni Martin “Saksa” Sazdov.


Naka-abante ang Tundra Esports sa grand final ng TI10 WEU Qualifier nang hindi natatalo kahit isang beses.

Tundra Esports waiting na sa finals ng TI10 WEU Qualifier
Credit: Wykrhm Reddy

Haharapin nila para sa huling tiket papuntang taunang Dota 2 world championship ang mananalo sa lower bracket finals sa pagitan ng Team Nigma at OG.

Masusubaybayan ang huling araw ng qualifier sa official Twitch channel ng BeyondTheSummit.