Tinapos ng Team Spirit ang kanilang kampanya sa Division 1 ng Dota Pro Circuit (DPC) 2021-2022 Eastern Europe Winter Tour nang hindi natatalo.

Nagtala ang koponan ng perpektong 7-0 series win-loss record (14-1 game win-loss) para hiranging bilang kampeon ng DPC EEU Tour 1 Division 1 at makuha ang $30,000 (₱1,500,000+) prize money mula sa $205,000 (₱10,500,000+) na prize pool pati na rin ang 300 DPC points.


Ang kampanya ng Team Spirit sa DPC EEU Winter Tour Division 1

Team Spirit winalis ang DPC EEU Winter Tour Division 1
Credit: Team Spirit

Gaya ng inaasahan sa kasalukuyang may hawak ng Aegis of Champions, mariing pangingibabaw ang ginawa ng Team Spirit sa kabuuan ng Winter Tour.

Winalis nila ang unang tatlong linggo ng paligsahan kontra Mind Games (na unang pumasok bilang Team Unique), PuckChamp, at Team Empire bago magsimula ang holiday break.

Pagpasok ng bagong taon, sinalubong sila ng Natus Vincere para mapatikim ng pagkatalo. Umabot ng 72 minuto ang bakbakan bago tuluyang mapaluhod ng koponan ni Alexey “Solo” Berezin ang kampeon, pero hindi ito naging sapat para tuluyang mapunta sa kanilang panig ang serye.

Pagkalampas ng Team Spirit sa NAVI, hindi na muling natalo ang koponan. Sinagasaan lang nila ang Hell Raisers at TI10 5th-6th placer na Virtus.pro para tuluyang pangibabawan ang DPC EEU Winter Tour Division 1.


Team Spirit winalis ang DPC EEU Winter Tour Division 1
Credit: Valve

Samantala, maglalaban pa para sa 3rd-4th place tiebreaker ang huling dalawang koponang tinalo ng Team Spirit. $27,000 (₱1,380,000+) at 120 DPC points ang mapapanalunan ng 3rd placer, habang $26,000 (₱1,330,000+) at 60 DPC points naman ang makukuha ng 4th placer.

Kasama ng Team Spirit, Virtus.pro at Hell Raisers na mananatili sa Division 1 ng DPC EEU ang PuckChamp, NAVI, at Mind Games. Mare-relagate naman sa Division 2 ng rehiyon ang AS Monaco Gambit at Team Empire na parehong nagtala ng 1-6 series win-loss record.

Malalaman pa pagkatapos ng tiebreaker sa Division 2 ng DPC EEU Winter Tour ang dalawang koponang mapo-promote sa Division 1.

Sundan ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa mga istorya patungkol sa Dota Pro Circuit.

BASAHIN: 5 pinaka-experienced na Chinese duo sa Dota 2