Idiniin ni Alexander “TORONTOTOKYO” Khertek, ang midlaner ng Team Spirit, na pawang katuwaan lang ang pag-all chat niya sa mga opisyal na Dota 2 matches.

Nabuksan ang nag usapan tungkol sa kanyang kinagawian matapos magharap ang Natus Vincere at kampeon ng The International 10 ika-apat na linggo ng Dota Pro Circuit Eastern Europe 2021/22 Tour 1: Division I.

Nag-type ng “tip me guys” si TORONTOTOKYO sa all chat matapos manaig ang kanyang koponan sa isang team fight, bandang 30-minuto, noong unang mapa ng best-of-three.

Tambak kasi sa kills at networth ang Team Spirit bago ang nasabing sagupaan kaya’t tila nadala ng pangyayari ang naturang midlaner nang makabawi na sa wakas ang mga ito sa tulong ng malupit na Sonic Wave mula sa kanyang Queen of Pain.

TORONTOTOKYO sa all chat: ‘katuwaan lang’

TORONTOTOKYO sa all chat: 'katuwaan lang'
Credit: Valve

Sa post-game interview, natanong si TORONTOTOKYO kung hinihikayat niya rin ba ang ibang mga koponan na mag-all chat o ito ba ay pribileheyo ng isang TI champion.

“I think whoever can all chat or do whatever they want… we are just enjoying the game and we’re having fun. I think if you’re not having fun why are you playing Dota? If you want to all chat or something like that, you should do it.” sagot ng manlalaro.

(Tingin ko kahit sino naman ay pwede mag-all chat o gawin kung ano man ang gusto nila… ine-enjoy lang namin ang laro. Sa tingin ko kung hindi ka nag-eenjoy, bakit ka pa maglalaro ng Dota?)

Tingin din niya ay hindi naman pinepersonal ng mga player ang mga ganoong patutsada.

Hindi ito ang unang beses na nagpadala ng mensahe si TORONTOTOKYO sa all chat sa isang opisyal na tournament match. Nauna niya itong ginawa kontra noo’y defending TI champions na OG noong kahabaan ng kampanya nila sa nagdaang Dota 2 world championship.

Habang binabalagbag kasi nila ang mga ito, nag-type naman si TORONTOTOKYO sa all chat ng “ez game”. Bakas naman sa kanilang galawan ang naturang mensahe dahil sila ang nag-eliminate kina Johan “n0tail” Sundstein matapos mangibabaw sa seryeng iyon.

Team Spirit undefeated pa rin sa DPC EEU

Credit: Valve

Bagamat napadugo ng NAVI ang kasalukuyang world champions sa kanilang harapan, nananatili pa ring malinis ang series record ng Team Spirit sa tumatakbong DPC.

Bukod sa koponan nina Alexey “Solo” Berezin, tinalo rin nila ang Mind Games, PuckChamp, Team Empire, at AS Monaco Gambit para makapagtala ng 5-0 win-loss record at mangibabaw sa kasalukuyang standings.

Ang kapwa undefeated team na Hell Raisers at Virtus.pro na lang ang natitirang balakid sa kanila upang tuluyang maselyo ang kanilang slot sa unang Major tournament ng DPC 2021/22.


Nakatakdang magharap ang Team Spirit at Hell Raisers sa ika-16 ng Enero at ito ay masusubaybayan sa opisyal na Twitch channel ng BeyondTheSummit.

Para sa karagdagang balita sa DPC, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines Facebook page.