Bagong koponan ang mag-aangat ng Aegis of Champions ngayong taon matapos wakasan ng Team Spirit ang three-peat dreams ng OG, ang two-time defending champions, sa ikatlong round ng lower bracket sa The International 10 Main Event.

Bumida ang offlaner ng Eastern European team na si Magomed “Collapse” Khalilov para maselyo nila ang panalo at ang at least 5th-6th place finish na ka-akibat nito.

OG, na-Fountain Skewer ng Magnus ni Collapse

OG, na-Fountain Skewer ng Magnus ni Collapse
Credit: Valve

Maaksyon ang mga pangyayari sa unang mapa ng serye. Kaliwa’t-kanan kasi ang patayan simula nang matapos ang laning phase. Bagamat tambak sa kills, nanatili pa rin ang kalamangan sa pera at experience sa hanay ng OG.

Butas na ang high ground ng Team Spirit at tatapusin na lang sana ng OG ang laban nang biglang magpakitang-gilas si Collapse. Ang huli niya sa Tiny ni Syed Sumail “SumaiL” Hassan sabay Skewer papunta sa kanilang fountain ang naging hudyat ng pagbawi ng kanyang koponan.

Ilang team fights pa ang naganap kung saan bumida si Collapse sa pagsungkit ng mga kalaban. Tiyak na mamatay ang kalabang masusungkit ng kanyang Horn Toss dahil nag-aabang sa dulo ng kanyang Skewer Range ang Faceless Void ni Illya “Yatoro” Mulyarchuk at ang Ember Spirit ni Alexander “TORONTOTOKYO” Khertek.

Napwersa ng pambato ng Eastern Europe ang GG call sa defending champions matapos ang 45 minuto. Nasapawan ang Tiny performance ni SumaiL matapos magsanib-puwersa ang one-two punch ng Team Spirit para makapagtala ng 31 kills.

‘Collapse Show’ ng Team Spirit naging bangungot para sa three-peat dreams ng OG

Team Spirit naging bangungot para sa three-peat dreams ng OG
Credit: Valve

Sa kabila ng pagpapakitang-gilas ng naturang offlaner, hindi pa rin naglaan ng ban slot ang OG para sa Magnus nito noong ikalawang mapa ng best-of-three.

Kahit sinubukan ni Johan “N0tail” Sundstein na maglaan ng ilang heroes para pigilan kahit papaano ang naturang initiator, katulad ng Night Stalker ni Martin “Saksa” Sazdov at Earthshaker ni Sébastien “Ceb” Debs, hindi na napigilan ng OG ang pag-araro sa kanila ng Team Spirit.

‘Di tulad noong nakaraang mapa, hindi na rin nakakuha ng kahit anong kalamangan ang defending champions. Sinagad na ng Team Spirit ang pag piga sa silinyador, bandang 28 minuto ng bakbakan, para tuluyang ungusan ang OG sa karera para sa Aegis of Champions ngayong taon.

Parehong nakalululang numero ang naitala ng Lifestealer ni Yatoro at Void Spirit ni TORONTOTOKYO, na nagsanib-puwersa para sa 27 kills. Tig-25 assists naman ang Winter Wyvern ni Yaroslav “Miposhka” Naidenov at Magnus ni Collapse.


Sa kabila ng pagbarag sa three-peat dreams ng OG, hindi pa ito ang huling elimination match ng Team Spirit sa ika-apat na araw ng TI10 Main Event. Kakalabanin pa nila kasi ang kapwa Eastern Europe team na Virtus.pro sa ganap na ika-siyam ng gabi.

Mapapanood ang opisyal na Filipino broadcast ng The International 10, hatid ng LuponWXC, sa kanilang TwitchYouTube at Facebook platforms. 

Masusubaybayan din ang mga pangyayari sa TI10 sa pamamagitan ng pag-follow sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.

Gutom ka pa ba sa Dota 2 action? Panoorin ang Heroes of the Game documentary hatid ng foodpanda.

BASAHIN: Lakad Matatag, all-time best voice chat para kay N0tail