Matapos ang isang dekada simula noong una itong makuha ng Natus Vincere, muling umuwi sa CIS o Eastern Europe ang Aegis of Champions.

Ito ay matapos kumpletuhin ng Team Spirit ang kanilang nakabibilib na kampanya sa The International 10, kung saan tinalo nila ang Chinese powerhouse na PSG.LGD sa grand final sa iskor na 3-2.

Ang kampanya ng Team Spirit sa The International 10

Team Spirit sa The International 10
Credit: Team Spirit

Hindi naging madali ang pinagdaanan ng Team Spirit sa The International 10. Nagmula ang koponan sa regional qualifier ng Eastern Europe, kung saan tinalo nila ang Team Empire sa grand final matapos matulak sa 1-2 na pagkakadehado.

Pagdating sa lugar kung saan idadaos ang turneo, naging usap-usapan din ang problema sa kanilang practice room. Sinubok din sila sa unang dalawang araw ng group stages matapos tapusin ang mga ito sa ilalim ng standings.

Bagamat nakalusot ang Team Spirit sa The International 10 upper bracket, nilaglag naman sila agad ng Invictus Gaming sa unang round ng main event. Bilang alay sa “Dota gods”, nagpakalbo ang kanilang carry na si Illya “Yatoro” Mulyarchuk bago nila simulang gapangin ang lower bracket..

Team Spirit sa The International 10
Credit: Valve

Doon, in-eliminate nila ang Fnatic, ang defending champions na OG, kapwa EEU representative na Virtus.pro, ang dahilan kung bakit sila nasa lower bracket na iG, pati na ang pinakamalakas na koponan noong nakalipas na taon na Team Secret.

Bago harapin ng Team Spirit sa The International 10 grand final ang tournament favorite na PSG.LGD, nagtala rin ng kasaysayan sa turneo si Yatoro matapos pumili ng 15 iba’t-ibang hero sa 15 sunod-sunod na laro, pati na rin ang pagtala ng tatlong rampage.

Ang The International 10 grand final sa pagitan ng Team Spirit at PSG.LGD

Dahil sa ipinakita nilang tikas sa lower bracket, hindi na naging imposible para sa Team Spirit ang pagpapadugo sa PSG.LGD. Sa katunayan sila ang nagdikta ng serye matapos kunin ang unang dalawang mapa ng best-of-five sa tulong syempre ng Magnus ni Magomed “Collapse” Khalilov.

Isang mapa na lang ang namagitan sa kanila at sa kampeonato matapos ang sandaling ito ngunit hindi basta-basta nagpadaig ang kanilang kalaban. Kinuha ng PSG.LGD ang dalawang sunod na mapa sa kabila ng kanilang aggression noong ikatlong laro at matinik na draft noong ika-apat.

Tila nagkasundo ang dalawang panig na magpagalingan na lang sa Dota 2 pagpasok sa huling mapa ng turneo. Binigay ng Team Spirit ang Tiny at Lycan combo habang hinayaan din ng PSG.LGD na muling mapasakamay ni Collapse ang kanyang Magnus.

Sa unang bahagi ng laban, tila ang koponan nina Zhang “y`” Yiping ang mas pabor sa nasabing palitan. Pero dahil sa ipinamalas nilang husay sa map awareness, decision-making, at team fight, nanaig ang Team Spirit sa The International 10 para ma-uwi sa kanilang rehiyon ang Aegis of Champions.


Bukod sa pinaka-aasam na Aegis of Champions, kasama rin sa napanalunan ng Team Spirit sa The International 10 ang premyo na USD$ 18,208,300, o higit PHP₱ 923 million. Ito ang pinakamalaking bahagi ng pinakamalaking prize pool sa kasaysayan ng esports.

Team Spirit sa The International 10
Credit: ONE Esports

Samantala, mag-uuwi naman ang PSG.LGD ng USD$5,202,400, o mahigit PHP₱ 263 million sa pagtatapos sa ikalawang puwesto.

Ang pag-angat ng Team Spirit sa Aegis of Champions ang hudyat ng pagtatapos ng isang Dota 2 season at pagsisimula ng panibago.