Pasok na ang nagbabagang Team Spirit sa The International 10 Grand Finals nang pabagsakin nila ang Team Secret, 2-1, sa kanilang lower bracket final match.

Gumawa na naman ng kasaysayan ang pinakabatang player ng torneo na si Team Spirit super carry Illya “Yatoro” Mulyarchuk matapos itala ang kanyang ikatlong rampage sa TI10 Main Event.

Nagpatuloy ang Cinderella run ng pambato ng Eastern Europe at malalaman kung happy ending ba ang kahihinatnan nito sa kanilang bakbakan kontra sa Chinese powerhouse na PSG.LGD sa best-of-five Grand Finals.


Void Spirit ni Nisha bumida sa Game 1

Credit: Valve

Pinakalma ng Team Secret ang Team Spirit hype train matapos itong durugin sa Game 1 sa likod ng magaslaw na Void Spirit ni Michał “Nisha” Jankowski.

Maagang nakapundar ng kalamangan ang Secret dahil sa kanilang swabeng rotation sa pangunguna ng 21-year-old Polish midlaner na nag-resulta sa ilang pitas at pagbasag ng tore.

Pero ang wipeout mula sa team fight para sa pangalawang Roshan ang talagang nagpaalagwa sa powerhouse team ng Western Europe. Nakontrol ni Nisha ang Spectre ni Yatoro at na-bait pa niya ang Storm Spirit ni Alexander “TORONTOTOKYO” Khertek salamat sa defensive Sunder mula sa Terrorblade ni Lasse Aukusti “MATUMBAMAN” Urpalainen.

Hindi na binitawan pa ng Secret ang kanilang bentahe at tinapos ang 37-16 dominasyon laban sa Spirit sa loob ng 39 minuto. Nagtala si Nisha sa kanyang Void Spirit ng nakakamanghang 19-1-11 kill-death-assist record.


Malalaking pitas susi para makatabla ang Team Spirit

Credit: Valve

Unang makaungos ang Team Spirit sa Game 2 pero nanakaw ng Team Secret ang momentum nang mapitas nila ang Kunkka ni TORONTOKYO at manaig sa sumunod na clash.

Napipisil na sila kapitan Clement “Puppey” Ivanov at ang kanyang crew na mailista ang sweep pero ilang mahahalagang pitas ang nakuha ng grupo ni Yaroslav “Miposhka” Naidenov para mabaliktad ang sitwasyon.

Napatay nila ang Magnus ni Ludwig “zai” Wåhlberg na nag-buyback para sa wala. Napwersa nila ang dieback kay zai nang mahuli nila ito sa Radiant jungle at nadamay pa ang Juggernaut ni MATUMBAMAN.

Nagmartsa ang Spirit sa bottom lane at binasag ang barracks bago rumekta sa Dire ancient para dalhin ang serye sa isang win-or-go home decider.


Yatoro nilista ang ikatlong rampage, Team Spirit pinaamo ang Lycan-Tiny combo ng Secret

Yatoro nilista ang ikatlong rampage
Credit: Valve

Pinatakbo ng Team Secret ang nakakakilabot na Lycan-Tiny combo sa Game 3 pero madali itong napaamo ng Team Spirit gamit ang mas kahindik-hindik na Sven ni Yatoro.

Nakuha ni zai sa Lycan ang kanyang Aghanim’s Scepter para magamit ang Wolf Bite kay MATUMBAMAN sa Tiny pero ang combo na ito ay madaling niyupi ng Sven ni Yatoro.

Lalong lumakas ang Sven ni Yatoro at sa pampanalong clash, kinuha ng pinakabatang player sa TI10 ang kanyang ikatlong ramage sa Main Event.


Nagtapos ang Team Secret sa third place, ang pinakamataas na finish nito sa The International, at kinuha ang US$3,601,600 o mahigit PHP182 milyon na premyo.

Nasiguro naman ng Team Spirit ang at least $5,202,400 o mahigit PHP263 milyon na runner-up prize. Makikipagbuno sila sa PSG.LGD para malaman kung sino ang karapat-dapat na mag-angat ng Aegis of Champions.

Mapapanood ang The International 10 Grand Finals sa opisyal na Filipino broadcast ng LuponWXC sa kanilang Twitch, YouTube at Facebook channels. Masusubaybayan din ang mga kaganapan sa TI10 sa pamamagitan ng pag-follow sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.

Gutom ka pa ba sa Dota 2 action? Panoorin ang Heroes of the Game documentary presented by foodpanda.

BASAHIN: Si Yatoro ng Team Spirit ang unang player na nakakuha ng dalawang rampage sa kasaysayan ng TI