Tinapos ng Team Spirit ang kampanya ng Invictus Gaming sa The International 10 matapos nila itong walisin sa ikalimang round ng lower bracket.

Patuloy ang pagpapabilib ng TI10 Eastern Europe qualifier winner sa pinakamalaking Dota 2 tournament ng taon. Hindi lang kasi nila basta nilaglag ang kampeon ng unang Major tournament ng Dota Pro Circuit, naselyo rin nila ang top three finish at ikalawang Rampage sa main stage ng kanilang carry na si Illya “Yatoro” Mulyarchuk


Pinagbayaran ng iG ang pagpapalusot sa Mars ni Collapse

Credit: Valve

Naging mapangahas ang iG sa unang mapa ng serye matapos nilang ibigay ang Mars sa offlaner ng Team Spirit na si Magomed “Collapse” Khalilov.

Dikit ang unang 20 minuto ng laban pero nagsimulang manaig ang kinatawan ng Eastern Europe matapos nilang mahuli sa Radiant triangle camp ang mga kalabang Chinese. Anim na kills ang nakuha nila dito, salamat na rin sa magandang Arena of Blood ni Collapse.

Hindi na masyadong tumagal ang laban simula noong team fight na ‘yon. Ibang klaseng mechanical skills ang ipinakita ng mga support ng Team Spirit nang subukan nilang umangat sa highground ng kalaban, bandang 33 minuto.

Ang Nightmare save ni Yaroslav “Miposhka” Naidenov sa Phantom Assassin ni Yatoro at ang clutch Tether, sabay Cheese ni Miroslaw “Mira” Kolpakov para masalba ang Mars ni Collapse ang naging hudyat para pag-gg ang iG.

Game-high 11 kills ang naitala ni Yatoro habang nag-ambag naman ng limang kills at 15 assists nang hindi namamatay ang Windranger ni Alexander “TORONTOTOKYO” Khertek.


Rampage ni Yatoro, sinelyo ang Top 3 para sa Team Spirit

Ang mga Rampage ni Yatoro sa TI10
Credit: Valve

Sinubukang bumwelta ang iG ‘pag dating sa ikalawang mapa ng best-of-three. Nagsanib-puwersa kasi ang Earthshaker nina Thiay “JT-” Jun Wen at Weaver ni Hu “kaka” Liangzhi para puguin ang Drow Ranger ni Yatoro sa laning phase.

Pero kahit ang nakuha ng ONE Esports Singapore Major 2021 ang kalamangan sa early game, natabla agad ng Team Spirit ang laban matapos ang isang Roshan fight bandang 17 minuto ng bakbakan.

Mas nahirapan ang iG na mabalik ang kalamangan matapos sumala ang Chronosphere ni Jin “flyfly” Zhiyi bandang 27 minuto pati na rin noong 38 minuto. Nakabawi man ng magandang huli pagpatak ng 43 minuto, natabunan naman ito ng ikalawang Rampage ni Yatoro sa entablado ng TI10.

Tuluyang naselyo ng Team Spirit ang kanilang panalo kontra iG matapos ang matagumpay nilang smoke attempt. Nakahuli sila dito ng tatlo heroes, kabilang na ang importanteng Faceless Void, na walang mga buyback.

Tinapos ng Team Spirit ang laro, at ang kampanya ng iG para sa Aegis of Champions, matapos ang 50 minuto ng ikalawang mapa. Si Yatoro muli ang nakapagtala ng game-high kills na 15, habang game-high 24 assists naman ang ambag ng Snapfire ni Mira.


Dahil sa kanilang panalo, na ginawang posible na rin ng ikalawang Rampage ni Yatoro, naselyo ng Eastern Europe representative ang lower bracket final matchup kontra Team Secret. Selyado na rin nila ang top three finish kasabay ang higit PHP₱182 million na premyo.

Credit: ONE Esports

Nakatakdang ganapin ang bakbakan para sa huling grand final slot sa ika-17 ng Oktubre sa ganap na ikatlo ng hapon. Mapapanood ang opisyal na Filipino broadcast ng The International 10, hatid ng LuponWXC, sa kanilang TwitchYouTube at Facebook channels.

Masusubaybayan din ang mga pangyayari sa TI10 sa pamamagitan ng pag-follow sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.

Gutom ka pa ba sa Dota 2 action? Panoorin ang Heroes of the Game documentary presented by foodpanda.

BASAHIN: PSG.LGD sinelyo ang unang TI10 Grand Finals spot matapos walisin ang Team Secret