Lalong lumaki ang tsansa na mabalik muli sa China ang Aegis of Champions matapos pabagsakin ng pambato nito na PSG.LGD ang Team Secret, 2-0, para masiguro ang unang Grand Finals spot sa The International 10.

Ito na ang ikalawang beses na nakatungtong ang PSG.LGD sa championship series ng pinakamalaking torneo ng Dota 2 mula noong 2018 kung kailan nakalaban nila ang OG.

Isa sa mga asam ng koponan ang maibalik sa powerhouse region ng China ang Aegis of Champions limang taon matapos itong makuha ng Wings Gaming noong 2016.


PSG.LGD winasak ang Team Secret sa Game 1 gamit ang Lycan-Tiny combo

Credit: Valve

Pinakawalan ng PSG.LGD ang nakakatakot na Lycan-Tiny combo sa kamay nila super carry Wang “Ame” Chunyu at offlaner Zhang “Faith_bian” Ruida para daragin ang Team Secret sa Game 1.

Tabla lang sa early game ang dalawang powerhouse teams pero nagbago ang lahat nang makuha ni Faith_bian ang kanyang Aghanim’s Scepter at nagsimula nang maghasik ng lagim ang naka-Wolf Bite na Tiny ni Ame sa bandang 24 minuto.

Makailang ulit na nahuli ng LGD ang Secret sa kanilang Radiant triangle at sa isang pagkakataon na naka-double damage ang “wolfed” Tiny, binura ni Ame ang Winter Wyvern ni Yazied “YapzOr” Jaradat sa isang iglap at tinunaw ang Dragon Knight ni Michał “Nisha” Jankowski.

Hindi na nagpaawat pa ang Chinese giant at nilista ang 22-12 win sa loob ng 42 minuto sa unang laban kung saan nagtala si Ame ng perpektong record na 14 kills at three assists.


PSG.LGD sinelyo ang unang TI10 Grand Finals spot matapos ang solidong laro sa late game

PSG.LGD sinelyo ang unang TI10 Grand Finals spot
Credit: Valve

Makapigil-hininga ang naging bakbakan ng PSG.LGD at Team Secret sa Game 2 na nasaksihan ang dekalibreng Dota mula sa dalawang koponan sa loob ng halos 53 minuto.

Namumuro nang makatabla ang pambato ng Western Europe nang masiguro nila ang ikaapat na Roshan sa bandang 44 minuto. Pero naging mapagpasensyoso ang kinatawan ng China at binaliktad ang takbo ng laro matapos manaig sa isang pasabog na clash kung saan nagsanib pwersa si Ame sa kanyang Monkey King at Elder Titan ni Zhao “XinQ” Zixing.

Sinubukan pang makadepensa ng Secret nang mag-reset ang buyback status ni Lasse “MATUMBAMAN” Urpalainen sa Ursa pero hindi nila kinaya ang pwersa ng LGD na sinunggaban ang unang tiket patungong Grand Finals ng TI10.

Hindi na naman namatay si Ame na kumana ng nine kills at nine assists habang si XinQ naman ay tumikada ng 8-5-9 kill-death-assist record sa larong ito.


Maghihintay na lamang ang PSG.LGD kung sino ang makakalaban nila sa best-of-five Grand Finals kung saan nakataya ang lion’s share ng USD$40,018,195 (mahigit PHP2 bilyon) prize pool na pumapalo sa USD$18,208,300 (mahigit PHP 923 milyon).

Nakaabang naman ang Team Secret sa Lower Bracket Finals kung saan makakasagupa nila ang panalo sa pagitan ng Invictus Gaming at Team Spirit.

Mapapanood ang opisyal na Filipino broadcast ng The International 10, hatid ng LuponWXC, sa kanilang TwitchYouTube at Facebook channels. Masusubaybayan din ang mga kaganapan sa TI10 sa pamamagitan ng pag-follow sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.

Gutom ka pa ba sa Dota 2 action? Panoorin ang Heroes of the Game documentary presented by foodpanda.