Inangkin ng Undying ang natitirang tiket ng North America patungo sa The International 10 matapos nilang tapusin ang regional qualifier nang hindi natatalo kahit isang mapa.

Sa kabila ng maiinit na bakbakan sa Southeast Asia, tila wala namang duda kung sino ang magwawagi sa NA qualifier. Winalis lang kasi ng nagtagumpay na koponan ang The Cut, Black N Yellow, at 4 Zoomers mula upper bracket hanggang grand final ng naturang qualifier.

Undying The International 10 NA Qualifier Winner
Credit: Wykrhm Reddy

Undying ang ikatlong pambato ng NA sa The International 10

Bagamat duopoly ng Evil Geniuses at Quincy Crew ang mga slot ng NA sa Major tournaments, hindi naman natinag bilang ikatlong pinakamalakas na koponan sa rehiyon ang Undying.

Consistent ang mga naging resulta nila sa dalawang nagdaang season ng Dota Pro Circuit 2021. Kaya naman pagpasok ng qualifier, nagsilbing matibay na ebidensya ang kanilang perpektong 9-0 run na wala nang team sa rehiyon ang makahihigit pa sa kanila.

Ang The International 10 roster ng Undying:

  • Enzo “Timado” Gianoli
  • Jonathan “Bryle” De Guia
  • Jonas “SabeRLight-” Volek
  • David “MoonMeander” Tan
  • Doo-Young “DuBu” Kim

Bukod kina Bryle at SabeRLight-, hindi ito ang unang beses na makikipagbakbakan sa pinakamalaking Dota 2 tournament ang mga manlalaro ng koponan. 

Noong 2017 unang nakalaro sa The International si Timado bilang carry ng Infamous. Nakadalawang balik na rin sa turneo si MoonMeander, unang beses kasama ang compLexity Gaming noong 2015 at OG naman noong 2016. Tatlong beses naman ang para kay DuBu, kabilang na ang 5th-6th place finish niya kasama ang MVP Phoenix noong 2016.

Matapos ang kanilang tagumpay, ihinayag ng NA team sa kanilang tweet na naghahanap sila ng organization na maaari nilang irepresenta sa paparating na palaro.

Undying ang ika-apat na koponang nag-qualify sa The International 10 mula sa regional qualifier, kasama ang Fnatic ng Southeast Asia, SG e-sports ng South America, at Team Spirit ng Eastern Europe.

Nakatakdang ganapin ang huling serye ng qualifier para sa Western Europe at China simula ika-pito ng Hulyo hanggang ika-10.