Ipinabatid na ng EHOME ang kanilang pamamaalam sa support player na si Jian Wei “xNova” Yap ilang araw matapos i-announce ang desisyon nilang ilipat sa inactive status ang buong Dota 2 roster.
Inilathala ng koponan ang mga nasabing desisyon sa kanilang opisyal na Weibo account. Bagamat wala munang aasahang aksyon mula sa kanila, nangako naman ang organisasyon na gagamitin nila ang pagkakataong ito upang mag-charge at mag-adjust para sa susunod na season.
xNova, ‘di makakabalik sa The International

Bumida ang Malaysian support player sa dalawang nakalipas na The International. Naging parte siya ng PSG.LGD, ang koponan na magtapos sa ikalawang puwesto noong 2018, at ikatlong puwesto noong 2019.
Sa kasamaang palad, hindi makababalik si xNova ngayong taon sa prestihiyosong palaro sa kabila ng kanyang mga tagumpay noong nakaraang mga taon.
Bago maglaro para sa Chinese region, naunang maging kinatawan ng Southeast Asia ang naturang manlalaro. Kabilang siya noon sa WarriorsGaming.Unity na sumikat sa rehiyon noong 2016 hanggang 2017.
Samantala, pinasalamatan naman si xNova ng EHOME para sa kanyang kontribusyon at efforts habang nagsisilbi sa ilalim ng koponan. Pinuri rin ng organisasyon ang pagiging kalmado at down-to-earth nito.
Ang 2021 DPC season ng EHOME

Nahirapan ang EHOME na magpakita ng magandang resulta sa kabuuan ng 2021 DPC. Dalawang beses sila nag-sixth place sa parehong season kaya’t hindi sila nakadalo sa kahit anong Major tournament.
Bagamat maganda ang kanilang naipakita noong China qualifier para sa The International, bigo silang matuldukan ito ng tagumpay matapos silang talunin ng Elephant sa grand final sa score na 3-1.
Ang inactive Dota 2 roster ng EHOME

- Liu “Sylar” Jiajun
- Guo “Xm” Hongcheng
- Yang “Chalice” Shenyi
- Pan “Fade” Yi
Bukod sa EHOME, nag-announce na rin ang ibang DPC teams, gaya ng TNC Predator, Natus Vincere, Omega Esports, at Vikin.gg ng kanilang mga balak papunta sa susunod na DPC season.