Matapos ang surpresang pagbili ng Microsoft sa Activision Blizzard sa halagang US$68.7 billion (PHP 3.5 trilyon), kabilang na sa Xbox family ang mga maalamat na laro tulad ng Call of Duty, Diablo, Overwatch, Starcraft at World of Warcraft. Ito na ang pinakamalaking deal na ginawa ng software giant–at pinakamalaki rin sa kasaysayan ng video game–na halos triple ng nauna nitong pagbili sa LinkedIn sa halagang US$26.2 billion noong 2016.

Pero para sa gaming fans, nag-iwan ito ng napakaraming katanungan tungkol sa kung ano nga ba talaga ang epekto ng mga pagbabagong ito sa kanila.

Narito ang kailangan niyong malaman tungkol sa Activision Blizzard deal ng Microsoft.


Bakit binili ng Microsoft ang Activision Blizzard?

Activision Blizzard deal ng Microsoft
Credit: Microsoft

Isang salita–paglago. Dahil sa deal na ito, naging ikatlo sa pinakamalaking gaming company ang Microsoft, sa likod lamang ng karibal nito sa game console na Sony at Tencent.

Pagmamay-ari rin ng Activision Blizzard ang napakaraming laro at intellectual properties na malaki ang kinikita. At dahil sa pagkuha ng Microsoft sa Activision Blizzard, nasa posisyon sila para gawing Xbox exclusive ang mga laro at palakasin ang Game Pass subscription nito. Nangyari na ito sa pagbili ng Microsoft sa Bethesda kung saan nag-debut ang Game Pass sa Starfield at Elder Scrolls 6.

Nais din ng Microsoft na palawakin ang presensya nito sa mabilis na lumalagong mobile gaming segment kung saan halos walang marka ang kompanya. Nasa Activision Blizzard ang mobile gaming studio na King, ang gumawa ng popular na larong Candy Crush, na magbibigay sa Microsoft ng malakas na presensya pagdating sa mobile games. Marahil ay makakakita pa nga tayo ng mobile games na parte ng Xbox Game Pass na talaga namang palalawakin ang reach ng serbisyo nito.

At siyempre, target ng Microsoft ang susunod na henerasyon ng gaming at internet. Oo, pinag-uusapan natin dito ang metaverse, isang napaka-theoretical na hinaharap kung saan nag-o-overlap ang physical at virtual spaces. Kamakailan ay ni-rebrand ng Facebook ang sarili nito bilang Meta.

“Gaming is the most dynamic and exciting category in entertainment across all platforms today and will play a key role in the development of metaverse platforms,” saad ni Microsoft chairman at CEO Satya Nadella.


Anu-anong Activision Blizzard games ang parte na ngayon ng Xbox family?

Credit: Klobrille on Twitter

Gumawa ng detalyadong graphic ang Twitter user na si Klobrille na nagpapakita ng lahat ng Xbox first-party studios matapos ang Activision Blizzard deal ng Microsoft.

Ito ang mga studios:

  • Blizzard Entertainment
  • Beenox
  • High Moon Studios
  • Infinity Ward
  • King
  • Raven Software
  • Sledgehammer Games
  • Toys for Bob
  • Treyarch

Ito naman ang listahan ng lahat ng Activision Blizzard franchises na mapupunta sa Microsoft kapag natuloy ang plano:

Activision

  • Call of Duty
  • Crash Bandicoot
  • Guitar Hero
  • Spyro the Dragon
  • Skylanders
  • Tony Hawk

Blizzard

  • Diablo
  • Hearthstone
  • Lost Vikings
  • Overwatch
  • StarCraft
  • World of Warcraft

King

  • Bubble Witch Saga
  • Candy Crush
  • Diamond Diaries Saga
  • Farm Heroes Saga
  • Pet Rescue

Magiging Xbox exclusive kaya ang Activision Blizzard games?

Credit: Activision

Wala pang pahayag ang Microsoft ukol dito, pero gusto umano nito na ituloy ang paggawa ng ilang Activision games para sa PlayStation habang ang iba ay gagawing eksklusibo sa Xbox, ayon sa isang report ng Bloomberg.

“It’s not our intent to pull communities away from [PlayStation] and we remain committed to that,” ani Phil Spencer, ang newly promoted CEO ng Microsoft Gaming, sa Bloomberg.

Maraming Activision Blizzard franchises, tulad ng Call of Duty at Overwatch, ang sikat sa PlayStation kaya naman malabong ilimita ng Microsoft ang mga ito sa Xbox at PC lamang. Hanggang ngayon ay ispekulasyon lamang ito at kailangan nating maghintay kung ano talaga ang gagawin ng Microsoft.


Final na ba ang Activision Blizzard deal ng Microsoft?

Hindi pa. Nakatakdang maisara ang Activision Blizzard deal ng Microsoft sa Hunyo 2023 at nasa ilalim pa ito ng regulatory review.

Kamakailan ay naging mapanuri ang Federal Trade Commision sa US at European Union sa mga malalaking tech acquisitions na nagreresulta sa monopolyo kaya inaasahang tututukang mabuti itong Activision Blizzard deal ng Microsoft.


Mananatili ba si Activision Blizzard CEO Bobby Kotick

Credit: Microsoft

Sa isang isinapublikong email, sinabi ni Kotick na magpapatuloy siya bilang CEO na may parehong passion at enthusiasm noong sinimulan niya ang kanyang nakakamanghang karera noong 1991. Kapag na-finalize na ang deal, inaasahang magre-report nang direkta ang Activision Blizzard kay Microsoft Gaming CEO Phil Spencer.

Ngunit ayon sa isang report mula sa Wall Street Journal, inaasahang aalis si Kotick ‘pag nakumpleto na ang merger at nangangahulugan na ang kanyang paglisan ay maaaring mangyari sa 2023.


Pwede niyong basahin ang orihinal na artikulo ni Wanzi Koh ng ONE Esports.