Nagkaroon ng internet outage noong Jan. 21 sa buong bansa ng Andorra dahil sa isang DDoS attack o distributed denial of service attack laban sa Andorra Telecom.
Ang Andorra Telecom ang nagiisang network provider sa Andorra, isang maliit na microstate sa Europa na nasa gitna ng France at Spain. Nangyari ang DDoS attack habang isinasagawa ang Twitch Rivals: SquidCraft Games event na nagtagal ng ilang araw. Maraming Andorran streamers ang naglahok sa event na ito.
Maaring naging target ng DDoS attack ang mga streamers ng Andorra
Ang SquidCraft Games ay isang Twitch streaming event at Minecraft tournament na pinukaw mula sa patok na Netflix series Squid Game. Lumahok ang mga participants para sa tumatagingting na US$100,000 prize pool, at tulad ng Netflix series, isa-isang matatanggal ang mga players hanggang sa isa na lang ang matitira.
Naging sikat ang tournament ayon sa Esports Charts, at nakaakit ito ng mahigit isang milyong peak viewers sa unang araw niya.
Ngunit sa pangalawang araw ng Twitch Rivals tournament, maraming Andorran streamers ang na-eliminate matapos ma-disconnect nang paulit-ulit.
Maraming naghihinala na hindi coincidence ang oras ng pag-atake, at naudyok ito ng malaking prize pool at dahil iilan sa mga streamers ay mula sa Andorra na may milyon-milyong followers.
Ang pagtanggal ng mga Andorran streamers sa laro ay mangangahulugang mas mataas ang tsyansa na mapanaluhan ng mga natitirang players ang grand prize.

Pahayag naman sa isang tweet ng NetBlocks, isang grupo na tumitingin sa mga network disruptions at shudowns, na tinarget ng DDoS attack ang Twitch Rivals: SquidCraft Games ngunit wala pang kumpirmasyon hanggang ngayon.
Sa kasamaang palad, ang buong Andorra ay nawalan din ng internet kasama ang mga streamers. Nagtagal nang mahigit kalahating oras ang internet outage.