Ipinagpatuloy ng batak na Indonesian team ang kanilang ratsada sa 2021.
Pinatunayan muli ng MPL ID S7 champions EVOS Legends ang kanilang lakas sa Mobile Legends: Bang Bang eksena matapos nakawin ang titulo sa idinaos na Nimo TV Mobile Legends: Bang Bang Arena (NMA Season 3).
Desimulado ang galawan ng EVOS Legends sa NMA Season 3

Mahusay ang ipinakitang laro ng EVOS Legends sa kanilang ratsada sa nakaraang MLBB NMA Season 3. Sa proseso, ipinatumba nila ang mga powerhouse na kupunan tulad ng ONIC Indonesia, Aura Fire at Pinoy tean Blacklist International sa playoffs.
Susi sa biyahe ng white lions sa upper bracket ang Mobile Legends icon na si Muhammad “Wann” Ridwan na nagbalik matapos ang magpahinga muna noong nakaraang MPL ID Season 7.
Taob ang Alter Ego sa EVOS Legends sa NMA Season 3 final
Tampok sa grand finals ng liga ang pagtatapat ng dalawang malalaking pangalan sa Indonesian MLBB eksena. Ibinida ng Alter Ego sa sagupaan ang preskon nilang lineup na binidahan ng dating ONIC Esports pro na si Arga “Rasy” Wisista at Syauki Fauzan “Nino” Sumarno.
Gayunpaman ay hindi nagpatinag ang EVOS Legends sa NMA Season 3 final, kung saan nagpakitang gilas agad ang White Lions sa unang sultada dala ng magagandang laro na ipinamalas nina Perdyansyah “Ferxiic” Kamaruddin at Gustian “REKT”.
Signature Hayabusa ni Ferxiic at Tank Martis naman ni REKT ang agad na bumalagbag sa AE squad para iselyo ang mabilis na first game panalo.
Hindi nagbago ang tema sa pangalawa at pangatlong laban kung saan pinahirapang maigi ng Hayabusa pick ni Ferxiic ang black at red squad para sa 3-0 sweep. Sa paglalampasong ito, naiuwi ng EVOS ang ikalawa nilang major trophy ngayong taon.