El Clásico na bakbakan sa pagitan ng T1 at Gen.G ang tumampok sa ikalimang linggo ng 2021 LCK Summer season.
Susubukan sana itama ng top seed na Gen.G ang kanilang pagkakamali kontra DMW KIA noong nakaraang linggo, pero iba ang balak ng koponan ni Lee “Faker” Sang-hyeok, na namamalagi sa bandang gitna ng leaderboard.
Sa halip kasi na ang go-to AD carry na si Park “Teddy” Jin-seong ang kanilang palaruin, sumandal muna ang T1 sa kanilang substitute na si Lee “Gumayusi” Min-hyeong para sa best-of-three series.
T1 Faker, nagpakitang-gilas kontra Gen.G gamit ang Gold Cards

Nauwi sa 4v5 Baron invasion ng T1 ang unang mapa ng serye.
Higit 4,000 gold ang pinanghahawakan nina Faker, pero naitabla ito ng kalaban matapos maselyo ang mga epic monster ng Rift.
Imbis na hintayin ang paglabas ng huling Drake, rumekta ang Gen.G sa Baron. Ginamit ni Faker ang Destiny ng kanyang Twisted Fate upang magkaroon sila ng vision sa may pit at river. Sumunod naman ang kanyang mga kakampi para i-poke ang Varus ni Park “Ruler” Jae-hyuk at Galio ni Kim “Life” Jeong-min.
Nagdesisyon ang Gen.G na palagan na lang ang invasion ng T1 at iwan ang Baron. Pinatunayan ni Kim “Canna’ Chang-dong na mali ang naging galaw na ito ng Gen.G matapos nitong lusawin ang Lee Sin ni Kim “Clid” Tae-min at maka-double kill kontra Viego ni Kim “Rascal” Kwang-hee, sa tulong ng Gold Card ni Faker.
Naka-double kill din ang Zigg ni Gumayusi sa LeBlanc ni Gwak “Bdd” Bo-seong at Galio ni Life kaya nag-teleport na lang ang T1 diretso sa mid lane upang basagin ang Nexus at iselyo ang panalo sa unang mapa ng serye.
Renekton ni Faker, sinelyo ang 2-0 victory kontra Gen.G
Bumida naman bilang Renekton ang tanyag na mid laner pag pasok sa ikalawang mapa. Gaya ng sinundan na laban, pineste ng T1 ang kanilang kalaban habang kumukuha ng drake.
Bandang 17-minuto ng laban, nalikuran ni Faker ang Gen.G mula sa bot lane, upang agad na mabura ang Viego ni Rascal. Humabol ang kanyang Renekton hanggang sa tier two bot turrent ng kalaban upang maka-double kill kontra Volibear ni Clid.
Matapos umabot sa 10k gold ang kalamangan ng T1, wala na halos nagawa ang kanilang kalaban sa kanilang poke-heavy strategy.
Sinubukan baliktarin ng Gen.G ang sitwasyon nang makipagbakbakan sa top lane. Ngunit sa kabila ng Depth Charge ng Nautilus ni Life sa Zigg ni Gumayusi, nakatakas pa rin ito matapos mag-Flash.
Kinuha ni Faker ang oportunidad na ito upang mag-teleport sa gitna ng laban at pigilan ang tatlong buma-back na miyembro ng kalaban. Nabigyan nito ng sapat na oras ang Nidalee ni Moon “Cuzz” Woo-chan at Jayce ni Kana upang ubusin ang mga ito.
Pagsapit ng 28 minuto ng laban, pinako na ng T1 ang kanilang panalo sa pag kuha ng ace at pagbasag sa lahat ng inhibitor turrets ng Gen.G.
Dahil sa kanilang panalo, nag-improve sa 5-5 ang record ng T1 sa 2021 LCK Summer. Sunod na kakalabanin naman ng koponan ang KT Rolster sa ika-15 ng Hulyo sa ganap na ika-apat ng hapon.
Masusubaybayan ang laban sa opisyal na Twitch at YouTube channel ng 2021 LCK Summer.