3 million followers – hindi ito biro para sa kahit sinong content creator sa online world. Pero nakamit ito ni John Ferrer, a.k.a. Hypebit$.  

Nagpapasalamat siya sa kaniyang mga followers at fans dahil nakarating siya sa milestone na ito, na nilarawan niya bilang “overwhelming.” 

“Parang nagkakaroon ka pa kasi ng additional [motivation] para I-push yung sarili po pag nakaka-hit ka ng milestone kaya parang overwhelming siya, kasi minsan hindi ko na napapansin yung follower counts ko. Ang ginagawa ko lang kasi is nag-stream lang ako, gumagawa lang din ako ng content, kaya yung mga ganung klaseng feelings parang overwhelming siya, lalo na kasi nowadays sobrang daming streamers, so maraming options na yung viewers na panoorin,” ani ni Hypebit$.

Dagdag pa niya, siya ay nakaramdam ng burn out sa mga nakaraang linggo, ngunit dahil ayaw niyang biguin ang kaniyang followers, pinagpatuloy pa rin niya ang paggawa ng content para sa kanila.

“To be honest nakakapagod din siya and nakakaumay kasi imagine each and everyday yun yung ginagawa mo and siyempre nakakalungkot din pag yung viewers mo na nagaantay sayo is di ka nila makikita, so parang yun yung nagdrive sakin na magtuloy-tuloy din. Kasi they always look forward sa mga content na nilalabas ko, so ayoko silang biguin o madisappoint na biglang mawawala si Hypebit$, malulungkot din sila,” sabi niya.

Ang pagkakaroon ng “social media detox” ang isang paraan para maiwasan niya ang burnout.

“Kaya ang ginagawa ko lang usually for like 3 hours, tatanggalin ko lahat ng social media ko para hindi ako magoopen ng Facebook tapos siguro lahat ng mga social media accounts ko iko-close ko siya para hindi ako gagamit ng phone, di ako gagamit ng Facebook, Instagram, Youtube, hindi. Ang gagawin ko lang isa manonood na ko para marelax-relax lang ako. Usually milk tea, yun,” ani ni Hypebit$.

Dagdag pa niya, ang kaniyang mga followers ang pinag-huhugutan niya ng lakas.

“Sana hindi sila magsawang sumuporta sa stream, sa mga content ko, sa lahat ng mga social media namin, and thank you sa never-ending support na binibigay nila sakin kasi each and everyday parami kami nang parami lagi, ang daming new faces everytime na mag-stream ako, so nakakatuwa talaga siya.”