Ang kasiyahan ay nakikita sa iba’t-ibang anyo, at para kay Dota 2 professional player Daryl Koh “iceiceice” Pei Xiang, nakukuha niya ito sa pangto-troll ng mga kalaban niya sa Age of Empires 4 sa pamamagitan ng pagtulak sa konsepto ng Great Wall of China tungo sa bagong level.
Nasa offseason ngayon ang Dota 2 pro scene kaya naman maraming pros tulad nila iceiceice, Artour “Arteezy” Babaev at Ludwig “zai” Wåhlberg ang bumalik sa pag-stream ng kanilang ranked games para ma-enjoy ng kanilang viewers sa Twitch.
Pero sa pagkakataong ito, tila nalaglag si iceiceice sa Age of Empire 4 rabbit hole at natutuwa ang kanyang fans dito.
Nais ni iceiceice na mag-praktis bilang Chinese civilization sa kanyang Age of Empire 4 Twitch stream

Dati ay naglalaro siya bilang Mongols, pero gusto niyang makapag-praktis naman sa paglalaro bilang Chinese. Nag-queue siya sa isang online game kung saan nakatapat niya ang isang kalaban na gumamit ng Russians.
Mukhang normal ang lahat habang ginagawa ang workers at ang scouts ay lumilibot sa mapa hanggang sa mapansin ng fans na unti-unting tumataas ang pader. Nagtayo siya ng mga pader sa mga choke point sa mapa para pigilan ang pangha-harass ng cavalry ng kalaban niya sa kanyang workers.
Dito na nagsimula ring magtayo ng pader ang kanyang kalaban.
Simula ng war of walls
Walang pakialam kung manalo o matalo, nagpasya si iceiceice na i-troll ang kanyang katapat sa pamamagitan ng pagtatayo ng maraming pader. Tinawag niya ang kanyang sarili na “peaceful wall builder” at nagpatuloy sa pagpo-produce ng workers lamang at pag-troll sa kanyang kalaban gamit ang mas marami pang pader. Ikinatuwa ito ng viewers at nagbigay pa ng pointers sa stream chat para tulungan si iceiceice.
Sa kasamaang palad, hindi kaya ng mga pader na kontrahin ang Russians hanggang dulo. Dumating ang kanyang kalaban dala ang napakalaking hukbo nito na binubuo ng ranged cavalry, mobile cannons at ‘di kalauna’y battering rams para sirain ang kanyang depensa.
Sinira ni iceiceice ang kanyang mga istruktura sa Age of Empires 4 para makapagtayo ng mas marami pang pader
Kahit nagsisimula nang madurog ang kanyang pinaghirapan, ‘di sumuko si iceiceice. Dahil nauubos na ang lupain na pwede niya pagtayuan, sinira niya ang kanyang mga istruktura para magkaroon ng building space.
Habang pinapanood ang kanyang kalaban na pagalawin ang hukbo nito sa dulo ng bundok, naisip niyang depensahan ang Great Wall gamit ang mas marami pang pader. Bagamat hindi kaaya-aya ang ideyang ito, sino ang aayaw na makita ito matapos mapanood ang laro?
Natuwa si iceiceice sa kanyang sarili matapos ang 30 minuto ng non-stop trolling bago tuluyang isuko ang laro. Ang kumpletong VOD ng kakaibang game na ‘to ay makikita sa Twitch channel niya.
I-follow ang opisyal na Twitter account at mag-subscribe sa Twitch channel ni iceiceice para mapanood ang kanyang kakulitan sa stream.
Ito ay pagsasalin ng orihinal na akda ni Danelie Purdue ng ONE Esports.