Simula ngayon, siguradong mapupuno nanaman ang classic games ng mga susubok sa pinakabagong inilabas na hero sa Mobile Legends: Bang Bang.
Si Natan, ang Spacetime Walker, ang pinakahuling adisyon ng Moonton sa lumalaking bilang ng heroes sa sikat na MOBA game. Ayon sa mga nauna nang balita, isang marksman mage gaya ni Kimmy ang bagong hero.
Tampok din sa mga inilabas na hero spotlight ang makabagong kit na siguradong magugustuhan ng mga fans ng laro.
Bukod sa mga ito, malaki ang naging epekto ng pagpasok ni Natan sa daloy ng kwento ng Land of Dawn, lalo na tungkol sa hinaharap nito.
Napasakamay ng ‘Abyss’ ang lahat ng Twilight Orb shards

Base sa kaniyang hero trailer, napilitang bumalik si Natan sa nakaraan dahil unti-unti nang nagpupunyagi ang “Abyss” na masakop ang mundo. Nangyari ito dahil napasakamay ng Abyss ang lahat ng shards ng Twilight Orb.
Matatandaang nakatali ang karamihan ng mga kwento ng heroes sa Twilight orb. Napaka-importante ng orb na ito sa mundo ng MLBB dahil nakasalalay sa relic na ito ang balanse ng mundo.

Kung ang kahihinatnan ay ang pagkawasak ng mundo dala ng Abyss, ano ang implikasyon nito sa mga mga protektor ng Twilight Orbs tulad ni Lunox, Aldous at Minotaur? Ano ang naging kapalaran nila?
Naging sentro ng Moniyan ang Eruditio
Sa hero trailer, ipinakita ang malagim na nangyari sa mundo, kasama na ang Eruditio, ang tinaguriang “City of Scholars” at ang lugar kung saan ipinanganak at lumaki si Natan.
Parte ang Eruditio ng malawak na Moniyan Empire sa ilalim ng prinsesang si Silvanna at sa proteksyon ng Lightborn Heroes na pinamumunuan naman ni Tigreal. Nakabase ang prinsesa at ang kaniyang mga mandirigma sa Imperial Sanctuary na sentro ng lakas ng Moniyan Empire.

Subalit, hindi makikita sa inilabas na hero trailer ni Natan ang kahit anong presensiya ng lightborn warriors (o ang mga sumunod sa yapak nila) na pangunahing protektor ng emperyo. Binaggit din na ang Eruditio ang naging huling kublihan ng mga tao sa mundo na sumupil sa tuluyang pagsakop ng Abyss.
Maaaring pahiwatig ito na bukod sa pagbagsak ng Imperial Sanctuary at mga karatig na bayan sa Moniyan Empire, natapos na din ang linya ni Silvanna at ang kaniyang Lightborn warriors.
Si Natan ang huling pag-asa ng Land of Dawn

Kung hindi pa klaro sa kaniyang hero trailer, ang pagbabalik ni Natan sa nakaraan ang huling paraan para maiwasan ang tuluyang pagsakop ng Abyss sa mundo.
Sa kaniyang pagpasok sa time machine, nakita niya kung paano nagsimula ang tahakin na protektahan ang mahalagang Twilight Orbs. Dito rin niya napagtanto na may pag-asa pang mabago ang kinabukasan, kahit pa isakripisyo niya ang kaniyang sarili.
Sa pagpasok ni Natan sa eksena, natahi niya ang istorya ng ilang mga heroes sa Land of Dawn. Sa kabilang banda, nag-iwan din ito ng mas malalaking tanong tungkol sa pagdaloy ng kanilang mga lore.
Abangan ang mga susunod na kabanata ng mga kuwento ng MLBB heroes sa pamamagitan ng pag-follow sa Facebook page ng ONE Esports Philippines!