Kamakailan lamang ay ibinahagi ng isa sa mga pinakamagagaling na coaches sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League na si Bjorn “Zeys” Ong kung sino ang paborito niyang MPL player sa Pilipinas.

Paboritong MPL PH player ni Zeys, inilahad sa IG

Nagsimula si Zeys na sumagot sa mga katanungan sa kaniyang Instagram account. Kabilang sa mga paksang pinasadahan niya ay ang mga saloobin niya tungkol sa EVOS Legends at ang paparating na MPL ID S8, kasama na din ang mga posibleng hero na maaaring gawing meta pick sa pagsisimula ng liga.

Screenshot ni Jules Elona/ ONE Esports

Isa sa mga tanong na sumulpot sa nasabing question and answer ay “Who is his favorite gold laner in MPL PH?” na dali-dali niyang tinugunan.

“Hello po, (Hi there) Fav’s probably Kelra,” sulat ng EVOS Legends coach.


Si Kelra ang paboritong MPL PH player ni Zeys

Credit: Moonton

Si Duane “Kelra” Pillas ng Smart Omega ay isa ngayon sa mga pinakamagigilas na gold laners sa MPL PH. Sinimulan niya ang kaniyang competitive career noong nakaraang Season 7 kasama ang Execration.

Susi ang henyo ni Kelra sa biyahe ng EXE papuntang grand finals. Kahit pa kinulang laban sa paboritong Blacklist International, hindi maikakailang malaki ang inambag ng batang gold laner sa malapit na 4-3 pagkatalo.

Hindi natinag ang kumpiyansa ng noon ay super rookie nang tulungan niyang iselyo ng Execration ang Mobile Legends: Southeast Asia Cup 2021 (MSC 2021). Tampok sa liga ang muling paghaharap nila kontra Blacklist, kung saan ipinaghiganti ni Kelra ang lupon at inuwi pa nga ang MVP gantimpala.

Hindi kataka-taka kung bakit si Kelra ang paboritong MPL PH player ni Zeys dala ng malaking dulot niya sa kaniyang kupunan.