Mabilis na umalingawngaw ang larong Honor of Kings matapos nito isagawa ang global launch ngayong Hunyo. Nanguna ang laro sa free game charts sa Apple Store sa 12 mga bansa at rehiyon, kabilang ang Indonesia, Pilipinas, North America, Canada, Australia, Peru, Malaysia, at Singapore.

Pagkatapos ng matagumpay na debut, gugulong naman ang Honor of Kings Invitational Season 2 sa Kuala Lumpur, Malaysia, kung saan magtatagpo ang 13 sa pinakamahuhusay na HOK teams sa mundo.

Malaki ang nakataya sa paparating na torneo, sapagkat matatanggap ng kampeon ang pinakamalaking bahagi ng US$300,000 prize pool, at pangungunahan ang walong koponan na lalahok sa Mid-Season Invitational sa Riyadh ngayong Agosto.

Sa gaganaping torneo, magbibigay ang Infinix ng kanilang cutting-edge Infinix GT 20 Pro Models na gagamitin bilang official gaming device sa Honor of Kings Invitational Season 2.

Susubukan ng Brazilian team na Vivo Keyd Stars na ulitin ang kanilang magilas na tira na nagdala sa kanila sa kampeonato ng unang season ng torneo. Ngunit, makakaharap nila ang matitikas na teams na nagsisikap makagawa ng kani-kanilang marka sa international stage.

Pangunahin na sa mga ito ang kapwa nila Brazilian champions na Loops, ang Open Series 2024 Split 1 winners na All Gamers.HK, at bigating esports teams tulad ng Team Vitality (EU), R8 Esports (MENA), FUT Esports (Turkey), at Isurus (LATAM).

Sasandalan naman ng LGD Gaming MY at TEAM SECRET ang kanilang home crowd, habang ang SEA teams na BOOM Esports, KAGENDRA, RRQ at Impunity ay sisikaping ipakita kung bakit iginagalang ang MOBA players sa kani-kanilang mga bansa.

Dapat antabayanan ang 5 teams na ito sa Honor of Kings Invitational Season 2

LGD Gaming MY

LGD Gaming MY Honor of Kings team
Credit: LGD Gaming MY

Mabilis na pinatunayan ng LGD Gaming MY kung bakit isa sila sa mga koponang dapat abangan sa paparating na HOK Invitational Season 2

Sa ulo ng Malaysian team ay sina Tat Yann “MSKing” Chan at Li Zhe “Zhe” Low na parehong may karanasan sa international stage. Lumahok ang dalawang players sa Honor of Kings International Championship 2023 sa ilalim ng bandera ng MAS Tigers.

Kitang-kita ang tikas ng dalawa sa ginanap na Malaysia Qualifier kung saan inararo nila ang kumpetisyon.

Winalis nila ang Axis Boskurr at Nova Esports sa upper bracket, bago pukpukin ang TEAM SECRET sa grand finals, 3-1, para makamit ang tiyansang magkapaglaro sa harap ng kanilang home crowd.

Sa banggaang magaganap sa Kuala Lumpur, siguradong ipapakita ng LGD Gaming MY kung bakit dapat silang katakutan.

Impunity Esports

Team Impunity logo
CREDIT: Impunity Esports

Pambihira ang naging kampanya ng Impunity Esports sa Myanmar & Cambodia Qualifier. Sinimulan nila ito sa pangwawalis sa D-Roar Honor sa upper bracket finals.

Ipinagpatuloy ng koponan ang kanilang martsa nang itumba nila ang Team Max ng dalawang beses — una sa upper bracket final at huli naman sa grand final — para kuhanin ang tiket papunta sa Invitational.

Kakaiba ang bitbit na kalibre ng mga beteranong sina Hein “AhXing” Naing at Kyaw “Megumi” Oo na nakapaglaro noon sa Honor of Kings International Championships noong 2022 at 2023.

Taglay ang matibay na liderato, asahan na magpapakitang-gilas ang Impunity Esports sa paparating na Honor of Kings Invitational Season 2.

KAGENDRA

KAGENDRA Honor of Kings team

Pagkaraang dominahin ang Honor of Kings Invitational Season 2 – Indonesia Qualifier, nakatingin ang marami ngayon sa KAGENDRA.

Binubuo ng limang highly-mechanical players ang Indonesian team na kanilang ipinamalas sa qualifier kung saan hindi sila natalo ni isang beses.

Nagsimula ang kanilang kampanya sa pambihirang 2-0 sweep kontra Alter Ego sa upper bracket semifinals, bago ibaon sa limot ang Back to Retro sa isa muling 2-0 tagumpay.

Nagtagpo muli ang KAGENDRA at Alter Ego sa grand finals ngunit pinatunayan lamang ng koponan na hindi tiyamba ang kanilang unang tagumapy nang pataubin nila ang kalaban sa 3-0 para tumungo sa HOK Invitational.

BOOM ESPORTS

BOOM ESPORTS Honor of KIngs team
Credit: BOOM ESPORTS

Marami ang pinabilib ng BOOM ESPORTS na kamakailan lamang ay halos perpektong run ang isinalang sa Honor of Kings Invitational Season 2 – Philippines Qualifier.

Sinimulan ng koponan ang kanilang kampanya sa pagpapatumba sa Team Flash PH sa upper bracket semis, 2-0. Pagkatapos nito, Blacklist International naman ang kanilang pinadapa, 2-1, para makarating ng grand finals.

Walang duda na BOOM ESPORTS ang koponang karapat-dapat makarating ng HOK Invitational Season 2 dahil sa kanilang ipinakita sa grand finals kontra muli sa Blacklist. Malinis na 3-0 ang inihandog ng koponan para tumuloy papuntang Kuala Lumpur.

Hawak ang momentum ng kanilang tagumpay, antabayanan ang gagawin ng BOOM ESPORTS sa paparating na torneo.

TEAM SECRET

Team Secret Honor of Kings team
Credit: TEAM SECRET

Bagamat bigo noong Malaysian Qualifier kontra LGD Gaming MY, hindi pinayagan ng TEAM SECRET na matapos ang kanilang pangarap na makalahok sa Honor of Kings Invitational Season 2.

Sa halip, ipinakita nila ang kanilang husay sa Honor of Kings Invitational Season 2 SEA Last Chance Qualifier, kung saan pinatunayan nila na nararapat silang maisali sa pinakamalalakas na teams sa mundo.

Winalis nila ang parehong quarterfinals at semifinals ngunit natagpuan nila ang malaking balakid dala ng kapwa nila Malaysians na Nova Esports.

Nagpalitan ng tira ang dalawang teams ngunit TEAM SECRET ang nanaig sa huli sa seryeng tumagal nang limang laro.

Ngayong may pagkakataon na sila makalaro sa kanilang bakuran, asahan na ipapakita muli ng TEAM SECRET ang kanilang never-say-die attitude.


Maaaring mapanood ang labanan sa pamamagitan ng HOK Esports channels na ito:

BASAHIN: In-game observers: Ang mga pinakadakilang unsung hero sa esports