Nagustuhan mo ba ang mga console titles tulad ng The Last of Us, Horizon Zero Dawn, at Uncharted? Hindi malayong magkaroon na ng PlayStation mobile games.

Opisyal na inanunsyo ng PlayStation ang pagpasok nito sa mobile gaming industry

PS5 Sony Interactive Entertainment
Credit: Sony PlayStation 5/Sony Interactive Entertainment

Ang video game brand ng Sony na PlayStation ay mag-iiwan ng malaking marka sa mobile gaming industry sa pagpasok ng mga susunod na taon. Ito ang inihayag sa corporate strategy meeting ng Sony noong May 26.

Ang Chairman, President, at CEO ng Sony Group Corporation na si Kenichiro Yoshida ay nagbigay ng talumpati na bumabalangkas sa direksyon ng kumpanya para sa taong 2021. Binigyang pansin ni Yoshida ang mobile gaming sa kaniyang pagtalakay sa mga plano ng Sony para tumugon sa mga nauusong gaming trends.

Nabanggit ng CEO ang matagumpay na mobile gacha game na Fate/ Grand Order at magsisilbing batayan sa plano ng kumpanaya na pasukin ang mobile market.

“Going forward Sony will continue to actively release mobile games based on anime-related IP around the world, and further focus on deploying PlayStation’s proprietary IP to mobile as well,” ayon sa report.

Kinumpirma din ni Yoshida ang paggawa ng mga original PlayStation games para sa mobile devices, pero hindi nya tinukoy kung ito ba ay mga direct ports ng mga triple-A titles, spinoffs, o mga bagong intellectual properties.

Tinapos ng CEO ang kanyang talumpati sa pagbanggit ng kanyang hangad na paabutin ng isang bilyong katao ang kanilang customer base sa pamamagitan ng pagpapalawak at pagsisikap ng kanilang kumpanya sa social spaces, services, at syempre mobile.

Paano gagawin ng Sony ang mga PlayStation mobile games?

Sony PlayStation Classic
Credit: Sony

Sa paglipas ng mga taon, marami nang nailabas ang PlayStation na mga critically acclaimed masterpieces gaya ng Ghost of Tsushima at God of War. Subalit ang gaming market ay unti-unti nang lumilipat papuntang mobile platforms. Sa pagsikat at sa steady profitability ng mobile games, hindi nakakagulat na gustuhin ng Sony na iangkop ang ilan sa mga sikat nilang titles sa mobile.

Ang plano ng PlayStation na pumasok sa mobile industry ay nagsimula noong mag-post sila ng job offer para sa posisyong Head of Mobile. Kasama sa mga responsibilidad ng posisyon ay ang pamamahala ng ilang mobile gaming projects na kasalukuyang ginagawa na, pati na rin ang pagpaplano at pagbuo ng mga PlayStation mobile games para sa susunod na tatlo hanggang limang taon.

Ang mobile games ang bumubuo ng 50% revenue ng global gaming industry ayon sa record ng nakaraang 2020. Ang mabilis na paglaking ito ang nagbigay inspirasyon sa maraming developers na pumasok sa daigdig ng mobile gaming.

Aling mga PlayStation mobile games ang gusto mong malaro?