Muling nagbabalik ang Riot Games upang maghatid ng balita tungkol sa development ng kanilang fighting game, ang Project L.

Mula noong ipakilala ng Riot Games ang kanilang fighting game na tinatawag nilang Project L sa Evo 2019 ay wala na masyadong narinig na balita tungkol sa larong ito. Ngunit ngayon ay nagbabalik upang magbigay ng mas malalim na insight at gameplay para sa 2D fighter ng Riot ang mga project leads ng Project L, sina Tom at Tony Cannon.

Ayon kay Tom Cannon, magiging tag-team style fighting game ang Project L. Kung kaya’t makakagamit ang mga players ng dalawang champions mula sa mundo ng Runeterra, na magkakaroon ng tag-in at assist mechanics bilang dagdag na element sa fighting game fundamentals at quick decision making ng mga players. Ang layunin ng combat mechanic na ito ay makabuo ng solid foundation para sa mga players sa pamamagitan ng karagdagang gameplay mechanics kung saan maaari silang maging creative.

Upang magawa ito, gagamit ang Project L ng control style na madaling matutunan ngunit may malalim at malawak na posibilidad para sa mga players na pursigidong pag-aralan ito.

Project L Darius Apprehend Command
Credit: Riot Games
Screenshot by Ron Muyot/ONE Esports

“One of the delights of fighting games is seeing top players move and fight in a way that is inspiring and distinct from lesser skilled players,” ayon kay Tom Cannon. “We want to set that aspirational summit and build a steadily increasing difficulty curve to get you there.” 

Paliwanag ni Tom, “This isn’t about building a game where new players have a chance to beat the pros. It’s about unlocking the fun at all skill levels.”

Project L character design at Ekko gameplay

Bahagi ng pag-design ng mga champions para sa larong ito ay ang pagkuha ng kanilang mga moves at abilities na galing sa League of Legends, at pagsalin nito sa fighting game. Para sa Project L, paraan ito upang magbigay ng mas malawak at mas creative na paggamit sa bawat character.

Ibinigay na halimbawa ang champion na si Ekko, na gumagamit ng time manipulation. Isa sa mga pangunahing abilities ni Ekko ay ang Chrono Strike na maaring gamitin sa poking at combos.

Project L Ekko Chrono Strike
Credit: Riot Games
Screenshot by Ron Muyot/ONE Esports

Maaari din nyang gamitin ang kanyang Timewinder grenade, isang projectile attack na na pag tumama ay maglalabas ng time distortion field na nakakapagpabagal sa galaw ng kalaban.

Sa kabuuan, ang design ni Ekko ang nagpapakita kung paanong approach ang ginagawa ng mga developers sa game na ito.

Project L online play at netcode

Kinumpirma ni Tony Cannon na magkakaroon ng matibay na online infrastructure ang Project L kung kaya’t ang online play experience ay magiging halos katulad din ng sa offline.

Kukuha ang Project L ng mga key elements mula sa ibang Riot Games titles at gagamit ng Riot Direct, ang internal network service ng Riot, upang magkaroon ng direktang koneksyon sa pagitan ng mga players at mabawasan ang latency.

Dagdag pa rito, kung mabagal o nagkakaproblema ang internet ng kalaban mo, sila lang ang maaapektuhan nito at mananatiling swabe ang takbo ng game para sa’yo. Ang sistemang ito ay makakapagpabawas din ng mga kaso ng rage quitting dahil makikita kung sino ang umalis ng lobby, upang malaman kung sino ang panalo sa laban at mapatawan ng penalty ang nag-quit.

ProjectL Online Play Illustration
Credit: Riot Games
Screenshot by Ron Muyot/ONE Esports

“We are taking netplay very seriously for Project L,” ayon kay Tony. “It’s the primary way we playtest the game internally and we are working every day to make sure it is in top shape for the eventual release.” 

Muling ipinaliwanag ni Tom na nasa research and development phase pa lang sila, na nangangahulugang matagal-tagal pa ang hihintayin ng mga fans upang ma-experience ang Project L.

Idiniin din nila na hindi na sila mawawala sa sirkulasyon at sisiguruhing up to date ang mga fans sa mga balita tungkol sa game.