Hindi muna gaganapin ngayong taon sa Vietnam ang ika-31 Southeast Asia Games dahil sa patuloy na banta ng COVID-19, ayon sa Southeast Asian Sports Federation (SEAGF).

Kinumpirma ng Ministy of Foreign Affairs ng Vietnam na hindi muna matutuloy ang nasabing biennial, multi-sport event. Nabuo ang kanilang desisyon sa isang online meeting ng SEAG, kung saan kasama rin ang mga kinatawan ng kalahok na bansa, noong ika-walo ng Hulyo.

SEA Games 2021 Hanoi
Credit: SEAGF

Matapos ikonsidera ang kalagayan ng pandemya sa rehiyon, napagdesisyunan na iantala muna ang SEA Games 2021.

Ayon naman sa presidente ng Philippine Olympic Committee na si Abraham “Bambol” Tolentino, mataas daw ang tsansa na ganapin ang palaro sa unang quarter ng susunod na taon.

Esports sa SEA Games 2021

Esports sa SEA Games 2021
Credit: Riot Games, Southeast Asian Games

Nakatakda sana ganapin ang esports category ng susunod SEA Games sa ika-21 ng Nobyembre hanggang sa ikalawa ng Disyembre sa Hanoi, ang kabisera ng Vietnam. Isa ito sa 26 sports disciplines na gaganapin sa nasabing siyudad.

Walong esports titles—Arena of Valor, Crossfire, FIFA Online 4, Free Fire, League of Legends, League of Legends: Wild Rift, Mobile Legends: Bang Bang, at PUBG Mobile—ang paglalaban-labanan sa SEA Games 2021.

Naunang maging medaled event ang esports noong 2019 nang ganapin ito sa Pilipinas. Tatlong gold medals ang nasungkit ng bansa, matapos manalo sa Mobile Legends: Bang Bang, Dota 2, at Starcraft II disciplines.