Sasabak ang SIBOL national esports team sa Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam maging sa iba pang mga torneo ngayon taon kaya naman naghahanap ito ng mga interesadong manlalaro sa iba’t-ibang esports titles.
Nakatakdang magbalik ang SIBOL matapos ang matagumpay na kampanya nito sa kauna-unahang pagdaraos ng esports category sa SEA Games noong 2019 dito sa Pilipinas.
Humakot ang koponan ng tatlong gintong medalya–tig-iisa mula sa Mobile Legends: Bang Bang, Dota 2 at Starcraft II–at silver-bronze finish sa Tekken 7.

Susubukan ng SIBOL na mapantayan o mahigitan pa ang medal haul na ito sa darating na 31st SEA Games na naudlot noong nakaraang taon dahil sa COVID-19 pandemic at napagpasyahang ganapin sa Mayo ngayong taon.
Sampung event ang nakatakdang ganapin sa esports category ng biennial meet. Ang mga ito ay: League of Legends, CrossFire at FIFA 4 sa PC; Mobile Legends, LoL Wild Rift (men’s at women’s division), Arena of Valor, PUBG Mobile (individual at team events) at Garena Free Fire sa mobile.
Nais din lumahok ng national team sa iba pang international tournaments ngayong taon.
SIBOL nagpapa-tryout sa tatlong esports titles

Nagbukas ang SIBOL ng pagpaparehistro para sa mga manlalarong nais sumali sa Mobile Legends (gender neutral), LoL Wild Rift (men’s at women’s) at CrossFire squads nito.
Gumugulong pa rin ang registration na nagbukas noong ika-30 ng Disyembre at magsasara sa ikawalo ng Enero. Hanggang 512 teams lang ang kukunin sa mga tryout.
Ang mga interesadong manlalaro ay kailangang 18 anyos at pataas o kaya naman ay 18 anyos na pagsapit ng unang araw ng Enero hanggang ika-11 ng Mayo. Ang lalabag sa patakarang ito ay iba-ban maging sa mga event ng SIBOL sa hinaharap.
Narito ang registration links:

Sa ngayon ay itong tatlong esports titles pa lang ang binuksan ng national esports team para sa mga manlalarong nais ibandera ang Pilipinas sa mga kompetisyon sa labas ng bansa. Samantala, ang mga lalabas na top team sa PUBG Mobile Pro League ay ikokonsiderang ipasok sa national squad.
Pero bago ang i-postpone ang SEA Games noong nakaraang taon, sinabi ni Philippine Esports Organization (PESO) secretary general Joebert Yu na nais nilang lumahok sa lahat ng events.
Tumutok sa ONE Esports Philippines para sa mga balita tungkol sa SIBOL national esports team.