Nagsimula ang fighting game community dahil sa Street Fighter 2 ngunit hindi ito magiging posible kung hindi dahil sa game na sinundan nito.
Magdiriwang ng ika-35 anibersaryo ang ang tinaguriang granddaddy of fighting games, at mukhang maraming inihanda ang Capcom para ipagdiwang ito.
Dumating sa mga arcades ang unang Street Fighter noong 1987, ipinakilala nito ang buong mundo kina Ryu, Ken, Sagat, Hadoken, Shoryuken, directional special inputs, at marami pang iba.

Ibang iba rin ang naunang Street Fighter sa mas sumikat na sequel nito dahil tanging ang mga Shoto (Ryu at Ken) lamang ang pwedeng gamitin sa game (ang iba ay makakalaban lamang at kontrolado ng computer).
Bukod pa rito, ang mga arcade cabinets noon ay meron lamang isang punch at isang kick button kung saan nakadepende ang lakas ng atake sa lakas ng pagpindot. Ngunit pinalitan ito ng mas sikat na 6-button setup na ginagamit hanggang sa kasalukuyan.
Sinimulan ng Capcom ang pagdiriwang nang ipakita nila ang kanilang 35th anniversary logo at mukhang marami pang nakalatag na plano para sa isa sa kanilang pinakamalaki at longest running franchises.
Isa sa mga pinakaaabangan ng marami ay ang pagalabas ng Street Fighter 6 bagama’t hindi pa tayo sigurado kung handa na ba ito.
Marami ang umaasa na iaanunsyo ng mga plano para sa Street Fighter sa gaganapin na Capcom Cup sa susunod na buwan subalit kinansela ito dahil sa nakakabahalang pagtaas ng COVID-19 cases.
Sa ngayon ay hindi pa malinaw kung itutuloy ang mga planong ito para sa online Capcom Pro Tour 2021 o iuusog pa sa mas matagal na petsa.
Sa Japanese tweet ng Street Fighter naman ay may mas mahabang mensahe na maaaring naglalaman ng mas maraming balita para sa franchise at mga plano para dito.
“Please look forward to the future development of the Street Fighter series!” ayon sa English translation ng Japanese tweet na maaaring nagsisilbing pampasabik sa mga fans ng series.
Sa kanilang nakaraang panayam noong nakaraang taon, sinabi nina Street Fighter V Director Takayuki Nakayama at Producer Shuhei Matsumoto na nakatuon ang kanilang atensyon sa karugtong ng franchise.
“We, the development team, will use this experience as a springboard to move on to the next project!” pahayag ni Nakayama.
“This is more of a ‘see you soon’ rather than a ‘goodbye.’ We look forward to providing you more information next year!” sabi ni naman ni Matsumoto.
Bukod sa bagong game announcement, maaari ding magkaroon ng ilang bagong products para sa anniversary tulad ng damit, figures, at accessories. Hindi rin malayong magkaroon ng panibagong crossover.
Bagama’t tapos na sa pag-release ng bagong characters ang Street Fighter V, hindi nakakagulat kung maglalabas sila ng mga bagong special costumes o bagong content upang ipagdiwang kanilang anibersaryo.
Naglabas ang Capcom ng Street Fighter 30th Anniversary Collection noong 2018, kaya mukhang Malabo na makakita tayo ng bagong compilation para sa series.
Pero marami ang matutuwa kung maglalabas sila ng bagong Street Fighter III: 3rd Strike Online Edition o rollback netcode-enabled version ng Ultra Street Fighter IV.
Unang lumabas ang Street Fighter sa Japanese arcade noong August 1987, kaya may ilang buwan pa bago tuluyang dumating ang kaarawan ng isa sa mga pinakaimportanteng franchise sa kasaysayan ng FGC.