33 sport sa 50 magkakaibang discipline ang tampok sa Tokyo 2021 Olympics. Bukod sa bagong dagdag na surfing at skateboarding, nais din ng mga fans na magdagdag ng isang modern sport na nakabase sa sikat na Japanese anime series—ang Yu-Gi-Oh!
Ang petisyon para isama ang Yu-Gi-Oh! Sa Olympics

Inudyukan ng anime community ang International Olympic Committee (ICO) na kilalanin ang Yu-Gi-Oh! Bilang isang Olympic sport, gaya ng mga pangkaraniwang sport. Pinangunahan ni YouTuber Xiran Jay Zhao ang petisyon sa Change.org, na sa oras ng pagkakalathala ay meron nang higit 13,000 lagda.

“It is an absolute injustice that the game of Yu-Gi-Oh: The Trading Card Game is not a legitimate sport in the Olympics,” giit ni Xiran Jay Zhao. “The [card game] requires dexterity, athleticism, and endurance.”
“I now call on the International Olympic Committee to add Yugioh as an official Olympic sport to both mend this injustice and to apologize to Japan for making them go through with the 2020 Tokyo games,” dagdag niya sa petisyon.
Ito ay patungkol sa naging desisyon ng ICO na ituloy ang Olympics sa nasabing bansa sa kabila ng pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Ang Yu-Gi-Oh! Trading Card Game at anime

Ang Yu-Gi-Oh! Ay isang manga na unang inilathala sa Weekly Shonen Jump ng Shueisha noong 1996 at in-adapt bilang anime matapos ang dalawang taon. Agad na ginawan ng trading card game ang palabas sa tulong ng Konami, ang kumpanya sa likod ng Metal Gear Solid, Castlevania, at Silent Hill.
Nagwakas man na noong 2014 ang orihinal na manga ni Takahashi Kazuki, patuloy pa rin ang mga spinoffs, anime, at video games ng Yu-Gi-Oh, pati na rin mga expansion set sa card game nito.
Kinikilala na rin ito bilang isa sa pinakamatagumpay na multimedia franchise matapos magtala ng US$16.8 billion na revenue, kung saan higit US$9 billion ay mula sa card games at video games.