Nananatiling undefeated ang Blacklist International sa regular season ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League (MPL) Philippines Season 8.

Tinalo ng Blacklist International ang Nexplay EVOS sa Week 6 Day 2 ng MPL PH Season 8 sa score na 2-1. Kasalukuyang pinanghahawakan ng Blacklist ang match win-lose record na 11-0.

MLBB BlacklistInternational with Alodia and Tryke
Credit: Alodia Gosiengfiao

Sa post-match interview, nagpaunlak ng panayam ang mga co-founders ng Blacklist International na sina Alodia Gosiengfiao at Tryke Gutierrez, na nagpabatid ng taas-noong pagmamalaki sa kanilang team.

“Super proud ako sa buong team kasi hindi madalas na magkasama yung humility and winning,” sabi ni Tryke. “Yet for our team, andiyan pa rin yung pagiging humble nila kahit nanalo kami. For us, super happy lang kami for them and sa lahat nang community na part ng Blacklist.”

Kitang-kita rin ang tuwa sa mukha ni Alodia ng ipahayag ang kanyang reaksyon sa performance ng team. “I’m just super proud of them kasi manalo, matalo, they’re giving their best. They still remain humble and they’re amazing people behind the scenes.”

MLBB Blacklist International Bootcamp with Alodia
Credit: Alodia Gosiengfiao

Nang hingan ng mensahe para sa mga viewers at mga supporters ng Blacklist, ibinahagi ni Tryke kanyang mindset nang simulan nila ang team.

“When we started all this one year ago, we never thought na ganito magiging output ng team,” kwento ni Tryke. “Binigay rin lang rin namin lahat ng support sa team. And I think with just the simple mindset of supporting people 100%, hindi natin alam kung ano yung pwedeng maging output. Alam mo yun? Kung may nakikita kang pwedeng suportahan, suportahan mo lang kasi ito yung possibility.”

Taos-pusong pasasalamat naman ang iniwan ni Alodia para sa lahat nang sumusuporta sa Blacklist International.

“I just want to thank everyone for their continuous support kasi without them, we won’t be here. And ang maganda kasi, napakabait din ng mga supporters namin that they’re also very polite and humble to all the other teams. We love that community. Thank you so much.”

Susunod na makakalaban ng Blacklist International ang ONIC Philippines sa October 3, 4:00 p.m. GMT+8.

Mapapanood ang mga matches nang live sa opisyal na Facebook channel ng MPL Philippines.