Agad na nakapukaw ng atensyon ang Steel Legplates, ang pinakabagong item sa Mobile Legends: Bang Bang na dala ng kakalabas lang na patch 1.6.66.

Kasabay ng buffs at nerfs sa heroes maging sa items, dala rin ng panibagong patch ang murang defense item na Steel Legplates na siguradong sulit sa early game.

Credit: Moonton

Silbi ng bagong MLBB item na Steel Legplates

Ang Steel Legplates ay isang Level 2 item sa ilalim ng Defense category. Isa ito sa mga bahagi ng dalawang Level 3 Defense items.

Nnagkakahalaga ito ng 530 gold at nabubuo ito sa pamamagitan ng pagbili ng isang Leather Jerkin (220 gold) at recipe (310 gold). Nakakapagbigay ito ng +45 Physical Defense.

Steel Legplates
Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports

Sa MLBB patch 1.6.66, ginawang component ang Steel Legplates sa pagbuo ng Dominance Ice at Blade Armor, pero nanatili ang presyo ng parehong items.

Dati, ang Dominance Ice ay ginagamitan ng Black Ice Shield (Level 2 item) at isang Leather Jerkin lamang bago ang recipe habang ang Blade Armor ay binubuo gamit ang tatlong Leather Jerkin sabay recipe. Ngayon, Black Ice Shield at Steel Legplates na para sa Dominance Ice habang isang Steel Legplates at dalawang Leather Jerkin naman para sa Blade Armor.

Marahil marami ang nagtatanong kung ano nga ba ang gamit ng Steel Legplates. Simple lang ang sagot.

Ang armor item na ito ay isang bagong option para sa mga player na nangangailangan ng reliable na physical defense item sa early game kapalit ng isa ring Level 2 item na Dreadnaught Armor. Mas mura ito ng 200 gold kaysa sa Dreadnaught Armor at 5 physical defense lang ang diperensya ng dalawa.

Ang kaibahan lang ay walang passive effect ang Steel Legplates, hindi gaya ng Dreadnaught Armor na may Deter effect na nagpapabawas sa Physical Attack ng kalaban nang 5% sa loob ng dalawang segundo (hanggang 3 stacks) kapag tinamaan niya ng skill ang user nito.

Gayunpaman, hindi ito problema dahil ang habol lang naman talaga sa early game ay ang disenteng physical defense kung masyadong masakit ang basic attack ng kalaban. Kaya naman sulit na sulit ito lalo na kung parte ng core items ng isang hero ang Dominance Ice o Blade Armor.

Para sa iba pang MLBB guides, bisitahin ang Facebook page ng ONE Esports Philippines.